NITONG nakaraang linggo sunud-sunod na naman ang aberya sa MRT-3. Tumirik ang mga tren dalawa o tatlong beses kada araw, at bumara sa mahahabang bahagi ng riles. Mabilis ibinintang ni Press Sec. Herminio Coloma ang sitwasyon sa admin ni Gloria Macapagal Arroyo. Hunyo 2010 pa umalis si GMA sa Malacañang at pumalit si P-Noy. Limang taon makalipas, si GMA pa rin ang may kasalanan sa katiwalian at katangahan ng kasalukuyang admin.
Saan kaya kumukuha si Coloma ng kapal ng mukha para ituro si GMA imbis na ang sariling admin? Kung susundan ang katwiran niya, kasalanan ni GMA na hindi nagtaas-pasahe sa MRT-3. Ngayon lang ito ginawa -- 70% -- ni Transport Sec. Joseph Abaya, nang walang kasabay na pagbuti sa pasilidad at serbisyo. Kaya raw dapat purihin ito. Ngek!
Kung tutuusin nga, hindi dapat nagtaas pasahe. Umamin mismo si U-Sec. Jose Lotilla sa Congress hearing na kumikita nang sapat ang MRT-3 sa ticket sales para itustos sa operations at maintenance. Bukod du’n binigyan pa sila ng Kongreso ng daan-daan-milyon pisong subsidy para sa MRT-3. Saan ba napupunta ang pera?
Namnamin sana ni Coloma ang sagot sa tanong na ‘yan. Sa gayun, hindi na siya magtututuro kung kani-kanino, kundi sa kapwa taga-P-Noy admin, kung bakit nabubulok ang MRT-3.
Okt. 2012 nang biglang tanggalin nina Abaya, Lotilla, at noo’y-MRT-3 general manager Al S. Vitangcol ang 12 taon nang maintenance contractor na Sumitomo. Biglang ipinalit ang PH Trams. Dalawang buwang gulang pa lang ang PH Trams, P625,000 lang ang kapital, at walang karanasan sa railways. Pero binayaran nang P517.5 milyon sa loob ng 10 buwan. Kasi ka-Liberal Party ni Abaya ang dalawang may-ari, at tiyuhin ni Vitangcol ang ikatlo. Ago. 2013 nang ihalili sa PH Trams ang Global Epcom. Pero ‘yun pa ring kapartido ang may-ari. Pinalitan lang ang pangalan ng kumpanya dahil nabisto na ang unang raket.