Walang magandang reaksiyon
WALANG magandang reaksyon, maliban na lang sa kampo ng mga Ampatuan, ang lumabas nang payagang makapag-piyansa ang isang anak ni Andal Ampatuan Sr. Si Sajid Ampatuan ang isa sa mga pangunahing akusado sa Maguindanao Massacre na naganap noong 2009, mag-aanim na taon na. Mahigit P11-milyon ang halaga ng piyansa, na tila hindi man lang natinag ang nakalayang Ampatuan. Ang National Union of Journalists of the Philippines (NUJP) ang nanguna sa pagbatikos sa pansamantalang pagkalaya ng Ampatuan na ito. Sinisi ang kahinaan ng prosecution. Hindi rin daw magtataka kung may mga kilos na hindi kanais-nais para nga makalaya.
Mag-aanim na taon na ang kasong ito. Noong una, ang paniniwala ay magiging mabilis ang andar ng kaso dahil sa lantarang ebidensiya laban sa mga akusado. Pero ano ang nangyari? May mga umatras na testigo, may mga namatay o napatay o pinatay. At dahil sa bagal ng andar ng kaso, nakakakilos na ang abogado ng mga akusado para makalaya ang kanilang mga kliyente, kahit pansamantala lamang. At alam natin na kapag nakalaya na, marami na ang puwedeng mangyari. Baka magamit ang pagpayag ng korte kay Sajid na makapagpiyansa para sa iba pang mga pangunahing akusado sa nasabing kaso.
Mabuti naman at naglabas ng hold departure order para kay Sajid Ampatuan. Pero tila wala ngang planong tumakbo, dahil parang wala namang kinatatakutan na kaso. Nangako naman si Gov. Esmael Mangudadatu na pursigidong isusulong ang kaso laban sa kanilang lahat. Gagawin din ng DOJ ang makakaya para maibalik sa kulungan ang nakalayang Ampatuan. Pero dahil may nakalayang Ampatuan, nangangamba naman ang mga kamag-anak ng mga napatay sa nasabing masaker. Kung may kapangyarihan pa rin ang pamilyang ito kahit nakakulong pa sila, paano pa kapag malaya? Kaya dapat palakasin pa ng mga abogado ng gobyerno ang kaso laban sa mga akusado. Ilang taon pa ba tatakbo ang kasong ito? Baka naman sadya na rin ito para mawala na ang interes sa kaso? Hindi malayo mangyari, hindi ba?
Isang Ampatuan nakapag-piyansa, si Cedric Lee at mga ka-tropa niya nakapagpiyansa. Hindi masisisi ang marami sa paniniwala na mas pabor ang batas sa mga akusado, kaysa sa mga biktima. Mga kamag-anak ng mga napatay sa Maguindanao, nawalan na nga ng mga mahal sa buhay, mukhang nawawala na rin ang lakas ng kaso laban sa mga akusado. Mapapailing ka na lang talaga.
- Latest