Partylist Solon nag-resign
PRINSIPYO ang nagbunsod kay Akbayan Partylist Rep. Walden Bello para magbitiw bilang kinatawan ng kan-yang partido sa Mababang Kapulungan at ito’y kahangahanga. Ang Akbayan kasi ay isang partylist na kasama sa mayorya na sumusuporta sa Pangulong Noynoy Aquino.
Kung sa paniniwala mo’y salungat ang iyong prinsipyo sa pagbibigay ng suporta sa Pangulo, makatuwiran lang na magbitiw ka.
Hindi na raw kasi masikmura ni Bello na suportahan ang isang Presidente na naghuhugas ng kamay sa kanyang responsibilidad kaugnay ng usapin sa Mamasapano na tinawag niyang “may lantarang cover-up.”
Dismayado si Bello at sa tingin ko’y nangyari ang ganitong resignation sa unang pagkakataon sa kasaysayan ng ating Kongreso. Pero balita ko, sinisikap pa rin ng ilang sektor sa loob ng Kamara na hilutin si Bello para magbago ng pasya. Abangan na lang ang susunod na mangyayari.
Ipinadala na raw ni Bello ang kanyang sulat ng pagbibitiw sa Akbayan partylist bagamat mananatili pa rin siya sa kanyang partido. Ani Bello, hindi na niya maaring katawanin ang Akbayan na sumusuporta kay P-Noy.
Hindi naman ikinagulat ni House Speaker Feliciano Belmonte ang pagkalas ni Bello sa majority coalition. Ani Speaker Belmonte, hindi kabawasan ang pagkalas ng kongresista dahil 92-93 porsiyento ng mga mambabatas sa Kamara ang bumubuo sa mayorya kaya kahit isa o dalawa ang umalis ay hindi ito malaking kawalan.
Hindi na rin nagtataka si Speaker sa pagtalikod ni Bello sa mayorya dahil noon pa naman ay napapansin na may iba itong opinyon kumpara sa mga kaalyado ng Pangulo.
Nilinaw naman ni Belmonte na hindi na kailangan pa ang loyalty check sa mga kaalyado ni Aquino sa Kamara dahil nasusulusyunan naman ng mayorya ang kanilang pagkakaiba iba kaya tiwala ito na wala ng iva pang susunod kay Bello.
- Latest