Patuloy na operasyon

HUSTISYA ba ang napala ng napatay na BIFF na suot ang unipormeng SAF? Tila patunay na kasama siya sa mga pumatay sa SAF commandos sa Mamasapano, Maguindanao. Isa siya sa mga kumuha ng mga uniporme ng mga napatay na SAF. Baka pati baril at cell phone ay nakuha rin niya. Inaalam pa kung kanino ang unipormeng suot ng rebeldeng ito, pati na rin mga baril na nakuha sa enkuwentro. Maganda kung malalaman kung sino ang may-ari ng uniporme. Para malaman ng mga kamag-anak na ang kumuha ng uniporme ng kanilang mahal sa buhay ay inabot na rin ng hustisya.

Patuloy ang operasyon ng militar laban sa BIFF. Walang tigil ang paghabol sa kanila, at kapag naabutan ay nauuwi sa labanan. Halos araw-araw ay may balita tungkol sa operasyon. Nababalitaan ang mga napapatay na BIFF, pati na rin mga namamatay at nasusugatan sa panig ng militar. Hindi maiiwasan ang may masaktan sa panig ng mga sundalo natin at ganyan ang digmaan. Pero dahil may utos na durugin na ang BIFF, walang humpay ang mga operasyon.

Mahirap lang labanan nang todo ang BIFF dahil nagtatago sa mga lugar ng mga sibilyan. Ang utos sa mga field commanders ay iwasang mapahamak ang mga sibilyan. Marami na nga ang lumikas para iwasan ang labanan. Sadyang ginagawa ito ng BIFF. Tila nakatali pa rin ang isang kamay ng mga sundalo natin sa labang ito. Ang BIFF walang pakialam kung sino ang mapahamak nila. Kung bakit may mga sumosuporta pa rin sa kanila ay nakapagtataka talaga.

Walang may gusto ng digmaan, lalo na ang mga sundalo. Maraming sektor ang nananawagan na nga ng kapayapaan. Pero paano magkakaroon ng kapayapaan, kung may grupong katulad ng BIFF? Kahit maipasa na ang BBL at maitaguyod na ang Bangsamoro, kung nandyan pa rin at aktibo pa ang BIFF, walang tunay na kapayapaan sa Mindanao. Sana makita rin ito ng MILF. Sila rin ang haharap sa problema kapag nagkataon kaya dapat ngayon pa lang ay tumulong na sila para mawala na ang BIFF. At nandyan rin ang Abu Sayyaf. Ito ang mga haharaping problema ng Bangsamoro kapag sila na ang namumuno sa rehiyon. Sa tingin ko ay hindi rin nila gusto ang may nanggugulo.

Show comments