ABUT-ABOT ang pakikiramay, pag-aabuloy, at pagtulong ni President Noynoy Aquino sa mga nabiyuda’t naulila ng pag-masaker sa 44 na Special Action Force commandos sa Mamasapano. Nariyang ginugulan niya ng panahon ang bawat pamilya ng 44 na bayani na nasawi matapos masukol si international terrorist Zulkifli “Marwan” Abdhir. Binigyan sila ng tig-daan-libong pisong abuloy at tulong sa pagpapalibing. At inatasan ang Secretaries of Interior, Social Welfare and Development, Health, Education, atbp. na direktang alamin kung ano pa ang mga pangangailangan nila: Edukasyon ng mga anak o kapatid, puhunan sa negosyo, pabahay, lupang sakahin, o ano pa man. At pinag-iisipan na ang panukala ni PNP O-I-C Leonardo Espina na pagkalooban lahat ng 44 ng Medal of Valor.
Siguro naman ginagawa ni P-Noy lahat ito hindi dahil “feeling guilty” siya sa masaker. Alam naman ng bansa ang pananagutan niya. Ipinaubaya niya sa suspendidong best friend PNP chief Alan Purisima ang pamumuno sa operation sa Mamasapano. Pumalpak sina Purisima at SAF Dir. Getulio Napeñas. Inilihim pa nina P-Noy, Purisima, at Napeñas ang operation sa matataas na security officials: Sina Espina, Interior Sec. Mar Roxas, AFP Gen. Gregorio Catapang, at Defense Sec. Voltaire Gazmin. Sana naman taus-puso kay P-Noy ang pagbuhos niya ng pagdadalamhati at tulong sa mga pamilya ng SAF-44.
Kasi may ilalapit sana ako kay P-Noy. Ito’y ang pamilya ng mga sundalo na nasawi rin nitong mga nakaraang linggo sa bakbakan sa mga kaaway ng bayan. Dalawang sundalo ang binaril sa ulo sa Buldon, Maguindanao, hindi kalayuan sa Mamasapano. Mga rebeldeng Moro raw ang pumatay. Lima pang sundalo ang pinatay sa ambush sa Ilocos Sur ng mga rebeldeng komunista. Kailangan din ng mga biyuda, anak, kapatid, at magulang nila ng tulong: panlibing at pagpapatuloy ng buhay nang wala sila bilang breadwinners. At marami pa sila....