MAY isyu ang Romblon sa pagdiskubre ng Japanese Battleship Musashi ng grupo ni Paul Allen, isang bilyonaryong Amerikano, sa karagatan ng Sibuyan. Nahanap ang nasabing barko isang kilometro sa ilalim ng dagat. Napalubog ang malaking barko ng mga Amerikano sa Battle of Leyte Gulf noong Oct. 24, 1944. Ang isyu ay hindi pinaalam ng grupo ni Allen na nagsisigawa pala sila ng exploration sa Sibuyan Sea, lugar na maliwanag ay nasa loob ng teritoryo ng Pilipinas. Hindi rin nagpaalam sa ilang ahensiya tulad ng National Museum, Department of Foreign Affairs at Philippine Coast Guard. Sa madaling salita, basta na lang pumasok sa karagatan at hinanap na ang barko.
Wala namang argumento na marami ang natutuwa sa pagdiskubre ng Musashi, isang makasaysayang barkong pandigma. May mga buhay pang mga marino mula sa magkabilang panig na natatandaan pa ang mga pangyayari sa Battle of Leyte Gulf. Pero sana naman nagpaalam ang grupo ni Paul Allen sa bansa. Ganun na lang ba ang tingin ng lahat sa atin? May problema na nga tayo sa China at ang kanilang walang tigil na pag-aangkin ng buong karagatan, kung saan tuloy-tuloy ang pagtayo nila ng mga istraktura at pagsiyasat ng karagatan para sa langis at kung ano pang mga yaman nito, ngayon kahit sinong naghahanap ng mga bagay-bagay sa karagatan ay puwede na lang gawin nang walang paalam? Mga mangingisda na panay ang hakot ng mga yaman ng dagat, kahit protektado na ng batas.
Kung may dumating na lang sa bakuran mo at naghukay nang walang paalam dahil sa tingin nila ay may langis o may nakabaon na kayamanan, papayag ka na lang ba? Ito ang kailangang maintindihan ng grupo ni Paul Allen. Kung paano sila nakapasok na rin sa loob ng Sibuyan Sea na napapaligiran nang napakaraming isla sa Visayas ay patunay sa kakulangan ng Philippine Coast Guard, pati na rin ng Philippine Navy na bantayan ang ating mga karagatan. Malamang alam ito ng grupo ni Allen, kaya itinuloy ang paghahanap sa Musashi.
Hindi rin dapat iniistorbo ang kinalalagyan ng Musashi, dahil maraming Japanese ang namatay nang lumubog ito. Ito ang kanilang huling hantungan kaya dapat inirerespeto. Sagrado ang lugar, ika nga. Kung nahanap at kumpirmadong Musashi nga, tama na iyon. Sana maayos ang isyung ito, bago may gawin pang iba sa barko. Tiyak interesado ang Japan sa pagdiskubre nito.