SA aking pitaka ay iniingatan ko ang larawan ni Inay, ang aking celebret bilang pari, driver’s license at Senior citizen I.D. Mahalaga sa akin ito sapagka’t kabahagi sila ng aking buhay. Ang pitaka naman ng ating buhay pananampalataya ay ang templo ng Panginoong Diyos na kumakalinga sa atin tuwina.
Ang imahen, larawan o rebulto ng Diyos Ama, Hesus, Espiritu Santo, Santa Maria, anghel at mga banal ay mga paala-ala sa atin ng kadakilaan ng Diyos. Iginagalang natin iyon subali’t hindi natin ito sinasamba. Ipagpatawad po sa mga alipin ng panata na sinasamba nila ang imahen at larawan. Ipagpaumanhin po sa mga alipin ng kanilang panata sa rebulto ng Hesus Nazareno at imahen ng Sto. Nino: “Huwag kayong magkakaroon ng diyus-diyusan o kaya’y larawan o rebulto ng anumang nilalang na nasa himpapawid o nasa tubig … akong Panginoon ay mapanibughuin.”
Ipinangaral ni Pablo na si Hesus ay ipinako sa krus: “Isang katitisuran sa mga Judio at kahangalan para sa mga Hentil.” Sinasamba natin at pinasasalamatan si Hesus na sa Kanyang pagkapako sa Krus, kamatayan at muling pagkabuhay ang nagbigay sa atin ng kaligtasan. Iginagalang natin ang krus ni Hesus na simbolo ng mga simbahang Kristiyano.
Lahat ng mga Kristiyano-katoliko sa sandaigdigan ay tayong mga Pilipino lamang ang merong napakaraming larawan, rebulto at imahen ni Hesus, ni Maria at mga santo at santa sa langit. Para bang sa ating banal na pagdiriwang ay laging kaugnay ang mga imahen at rebulto. Isapuso natin tuwina na yaon ay pawang mga larawan o imahen lamang at mga pawang paala-ala; hindi iyon ang ating sinasamba. Ang sinasamba natin ang Diyos na hindi natin nakikita subali’t palagi natin Siyang kasama. Pawang mga paala-ala lamang sa atin ang kanilang buhay upang paghandaan din natin ang ating magiging buhay sa kabila, kaya’t paghandaan natin ito na pawang kabutihan sa Diyos at sa Kapwa.
Si Kristo ang tunay na templo na ating buhay. Ang ating pagkatao ang templo ni Hesus na sa Kanyang malasakit sa ating buhay na nag-aapoy at nag-aalab ang puso Niya sa atin. Ang ating pagpasok sa simbahan ay isang pagsasa-buhay at pagpapatibay ng tunay na simbahan ng Diyos sa ating puso, isipan at pagkatao.
Exodo20:1-17; Samuel18; 1Cor1:22-25 at Jn2:13-25