INAASAHAN ng DOT at DOTC na hindi na malalagay sa listahan ng “World’s Worst Airports” ang NAIA Terminal 1. Malapit na matapos ang rehabilitasyon ng nasabing paliparan na naging bunsod ng matitinding pintas at batikos itong mga nakaraang taon, hindi lamang mula sa mga Pilipino kundi pati sa mga dayuhan. Mahahabang pila, mainit na lugar, maruruming banyo, walang makainan na maayos, walang mapagpahingahan. Ipinakita sa ilang social media ang mga pagbabago sa Terminal 1, at kapansin-pansin nga na mas maganda na. Pero ang tunay na sukat ay manggagaling sa mga pasahero mismo kapag nasubukan ang Terminal 1. Sila ang magsasabi kung may pagbabago, o pinaganda lamang. Ang serbisyo pa rin sa mga pasahero ang mas mahalaga, hindi lang ang mga kagamitan.
Inaasahan na hindi na irereklamo ang matinding init sa loob ng terminal, dahil umaandar na ang mga bagong kabit na aircon. Bagong check-in counters, bagong flight information display boards at baggage conveyors ang ginagamit na. May mga kilalang kainan na rin. Pati mga palikuran na reklamo ng mga pasahero noon ay inayos na rin. Malinis at moderno na ang mga kagamitan. Hintayin na lang natin ang susunod na listahan, kung isasama pa rin ang NAIA Terminal 1 dito, o ilalagay na sa mas magandang listahan.
Mahalaga talaga ang maayos na paliparan. Ito ang unang nakikita ng dayuhan, at nagsisilbing panukat na rin para sa buong bansa. Sa mga nakapunta na ng Hong Kong at Singapore ay alam kung gaano kaganda at kaayos ang mga paliparan nila. Ni hindi mo kailangang magtanong dahil lahat ay maayos na naka-display. At dahil na rin sa laki, hindi magiging problema ang sikip at dami ng tao.
Pero kahit may pagbabago na sa NAIA Terminal 1, luma pa rin at maliit pa rin ang lugar. Kung may planong gumawa ng panibagong terminal ay pinag-aaralan pa. Iba pa rin kung malaki ang lugar. Napupuno pa rin ang Terminal 1 dahil hindi naman ito lumaki. Ito na siguro ang magiging sunod na reklamo ng mga pasahero. Dahil dumadami na rin ang mga bumibiyahe at turistang dumadating sa bansa, ang mas malaking terminal ang sunod na plano. Kahit ang Terminal 3 ay napupuno na rin, dahil sa dami ng pasahero. Kung matutularan natin ang Hong Kong at Singapore, mas makabubuti pa sa bansa.