KAHIT aling administrasyon ay masisira sa layuning magkaroon ng kapayapaan sa Mindanao.
Gaano man katapat ang hangad ng lahat na magtamo ng kapayapaan sa rehiyon, kung hindi nagkakaisa ang mga leader ng Bangsamoro at sila mismo ay magulo at nagpapataasan ng ihi, walang mangyayari.
Noong araw, mayroon lang nag-iisang grupo na kung tawagin ay Moro National Liberation Front (MNLF) sa pangunguna ni Chairman Nur Misuary. Panahon pa ni Marcos ay buhay na iyang samahan na iyan. Nang nakikipagnegosasyon na ang pamahalaan sa grupong ito, nahati ang MNLF at isinilang ang MILF.
Kalaunan, nawala sa eksena ang MNLF at ang kinilala ng pamahalaan ay ang MILF. Diyan nga umusbong ang pagbuo ng Bangsamoro Basic Law (BBL) na ngayo’y kontrobersyal dahil marami umanong probisyon ang lumalabag sa Konstitusyon ng bansa. May himig ng pagbabanta ang MILF na kung hindi maipapasa nang walang pagbabago ang BBL, magpapatuloy sila sa pag-aaklas.
Mula sa MILF ay nagkaroon muli ng bagong grupo na kung tawagin ay Bangsamoro Islamic Freedom Fighter (BIFF) na siyang sinasabing may kagagawan sa pagmasaker sa 44 na operatiba ng Special Action Force ng Philippine National Police na aaresto sa isang international terrorist na si Zulkifli Binhir alias Marwan at isa pa na nagngangalang Basit Usman.
Pinipilit ng MILF na wala itong kontrol sa operasyon ng BIFF. Pero sila ay nagsasalo sa iisang teritoryo na tila pinaghahalo ang dilim at liwanag. Hindi rin maipaliwanag kung bakit kinakanlong sa kanilang teritoryo ang mga terorista gaya nina Marwan at Usman. Ngayon, mayroon na namang bagong grupo na kung tawagin ay Justice for Islamic Movement na ipinanganak.
Kung hindi titigil sa pagsibol ang mga grupong iyan na pare-parehong nagsasabi na sila’y nakikipaglaban para sa kapakanan ng Bangsamoro, wala na sigurong administrasyon ang makalulutas sa problema ng kapayapaan sa Mindanao.