ALAM n’yo bang pinagalitan ni President Noy-noy Aquino ang isang kongresista nang magtungo sa Malacañang?
Ayon sa aking bubwit, happy birthday muna kay Mayor Charlston Uy ng Cabatuan, Isabela; Konsehal Dick Chuidian ng Nasugbu, Batangas; Engr. Virgilio Ranosa ng DPWH, Bro. Jose Manuel Puno ng BOC, Bro. Relly Salvador, Bro. Jose Chua at Amador Abaoag.
Alam n’yo bang nagalit si President Aquino sa isang congressman nang magtungo ang isang grupo ng mga congressmen sa Malacañang?
Ayon sa aking bubwit, noong kainitan pa ng isyu ng Mamasapano incident, ipinatawag ng President Aquino ang 30 kongresista. Kasama na rito ang mga kongresistang dating mga opisyal ng Philippine National Police at dating military officers.
Hiniling ng Presidente ang kanilang suporta dahil marami ang nadismaya noon sa admi-nistrasyon dahil sa kawalan ng suporta sa SAF troopers na napatay ng mga MILF at BIFF sa Mamasapano, Maguindanao.
Ayon sa aking bubwit, ang nasabing pulong sa Malacañang at nasundan naman ng isa pang grupo ng mga kongresista. Ito ay ang grupo naman ng Visayan bloc, mga kongresistang taga-Visayas.
Habang nasa loob ng palasyo, ang kongresista mula sa Visayas ay walang tigil sa kase-selfie. First time pala niya kasing makapasok sa Malacañang.
Napansin pala siya ni President Aquino kaya tinanong sa isang congressman kung sino ‘yung kongresistang parang batang panay ang selfie.
Nang hindi makatiis si President Noynoy, nilapitan si Congressman at sinabihan na itigil niya ang pagse-selfie at sikreto ang kanilang pulong sa Palasyo. Kung ayaw naman niyang tumigil ay mabuti pang umalis na lamang siya.
Ayon sa aking bubwit, ang kongresistang pinagsabihan ni President Noynoy ay si Cong. R. as in Romeo ng Cebu.