NAGKAKANDARAPA ang mga heneral para ayusin ang hidwaan ng Armed Forces at National Police dulot ng sablay sa Mamasapano. Ibinintang kasi ng hepe ng PNP Special Action Force ang pagkamatay ng 44 na police commandos sa kabagalan ng artillery at kawalan ng air cover ng militar. Buwelta naman ng AFP ay huli na kasi inabisuhan ng PNP ang Army field units, nang napaligiran na ng mga separatistang Moro ang commandos, at ipinagkait pa ang mahahalagang detalyes.
Akala marahil ng mga heneral ng AFP at PNP na nagdududahan lang ang pamunuan ng SAF at ng Army 6th Infantry Division at 1st Mechanized Brigade sa Maguindanao. Pero alamin kaysa arok ng group hugs nila ang sanhi ng suliranin. At ito’y ang nagtutunggaling mga misyon, lalo na sa baril sa war zones.
Pakay ng AFP na panatilihin ang truce sa Moro Islamic Liberation Front. Kasi kung hindi, magbabakbakan muli. Malalagasan ng tao ang magkabilang panig, at maiipit ang maliliit na mamamayang Kristiyano, Muslim, at Lumad.
Bahagi ng pagpapayapa sa Mindanao war zone ang pag-aalaga sa mga kumander ng MILF. Kaya tinutulungan sila sa patubig sa taniman. Sa ilang probinsiya, inaarmasan din ng AFP ang gobernador at mayors na alam ng AFP na lalaban sa MILF kung mabasag ang ceasefure, at lalo na sa tumiwalag na Bangsamoro Islamic Freedom Fighters.
Dito nagkakatagisan ang AFP at PNP. Pakay kasi ng pulis ipatupad ang batas, lalo na sa baril at laban sa index crimes. Bale-wala sa kanila, halimbawa, kung sino ang pumatay sa pamamagitan ng baril. Kapag walang lisensiya ang baril, dadakipin ang may-ari; kapag inutos ng korte, dadakipin ang homicide suspect. Pero sa maraming insidente, nire-raid ng PNO ang bahay ng mga inarmasang politiko, at inaaresto ang mga MILF na maysakdal sa korte.
Dapat kinisin ang nagbabanggaang misyon ng dalawang panig.