NAPAG-UUSAPAN nang husto ang aksidente ni Cavite Vice Governor at anak ni Sen. Bong Revilla na si Jolo. Nabalitaan na “nabaril” siya. Siyempre malaking balita ito. Sinundan ng pahayag na aksidente umano ang nangyari, kung saan nabaril ang sarili habang naglilinis ng kanyang baril, isang Glock pistol. Pero may balita ring lumabas na masama ang kanyang loob dahil sa pagkakakulong ng kanyang ama. Sa kasalukuyan ay nagpapagaling ang Vice Governor sa ospital.
Marami akong mga kaibigan na mahilig sa baril. Nang mapag-usapan ang insidenteng ito, napapailing, tumataas ang kilay at ang iba ay napapangiti na lang kapag tinatanong kung ano sa tingin nila ang nangyari. Dahil mga mahihilig sa baril, may sinusundan silang mga patakaran na ayon sa kanila ay dapat hindi nakakalimutan kailan man ng isang responsableng may-ari ng baril. Isa na rito ay dapat itinuturing na laging may lamang bala ang baril, kaya kung maglilinis, dapat sinisiguradong walang bala ang baril kahit saan. Sa magasin, sa barrel, kahit saan. Ikinakasa nang ilang beses para siguraduhing walang lamang bala sa barrel. Nakaturo rin palayo sa isang lugar na alam walang tatamaan.
Ang Glock umano ang isa sa pinakaligtas na baril. Hindi ito basta-basta puputok kahit malaglag dahil wala raw “hammer” na puwedeng tamaan tulad ng ibang baril. May safety sa gatilyo na hindi gagalaw hangga’t may daliring pipisil dito. Para pumutok ang isang Glock na baril, kailangan sadyang pinaputok ito, ayon sa mga kaibigan ko. Kung pumutok man habang nililinis ang baril, ang kadalasan na tama sa katawan ay sa paa, binti o hita dahil kadalasan kapag naglilinis ng baril ay nakaturo palayo. Kaya nagtataka sila kung bakit sa kanang balikat ang tama ni Jolo, lalo na kung hindi naman siya kaliwete. Lumalabas na nakaturo ang baril sa kanyang kanang balikat habang nililinis. Parang hindi raw natural na posisyon para sa hindi kaliwete.
Mabuti at hindi napinsala si Jolo sa insidenteng ito. Para sa mga may-ari ng baril, mag-ingat palagi at hindi alam ang aksidente. Siguraduhing walang laman kung maglilinis. Palaging ituring na may bala ang baril para laging maingat.