Mga trabahong mataas ang sahod

AYON sa Jobstreet.com, may sampung trabaho sa bansa na nagbibigay ng higit P50,000 sahod kada buwan. Ang datos ay base sa Annual Salary Report ng 2015. Hindi ko na iisa-isahin, dahil kapuna-puna na ang karamihan ay may kinalaman sa computer, IT at sa industriya ng call center. Pero ang mga posisyon ay mga manager at trainers na. May ilan sa sektor ng manufacturing at repair, pero ganundin, mga manager na. Bakit kailangang ma-ging malinaw ito?

Hindi dahil pumasok ka na sa call center o nagtapos ng computer engineering ay ganito na kaagad ang sahod. Ang mga nakatatanggap ng malaking sahod ay mga nagtagal na rin sa kumpanya at nagsimula sa mababang posisyon. Pero dahil sa sipag, umasenso at naging mga manager. Marami kasi ay papasok sa call center o sa mga IT na kumpanya, pero aalis din matapos ang ilang taon, o ilang buwan, para sa sari-saring rason. Kadalasan, nababagalan sa pag-angat sa kumpanya. Pero hindi naman talaga madali umabot sa mga posisyon kung saan mataas na ang sahod. Kung madali, di sana lahat ay sumasahod na ng higit P50,000.

Mga naiibang trabaho sa mga nabanggit ko na ay arkitekto sa isang kompanya at mga nagtatrabahbo sa banko at pinansyal institusyon. Kapansin-pansin rin na hindi kabilang ang nurse, dahil mababa nga ang sahod nila. Ito rin ang dahilan kung bakit maraming nagtapos ng nursing ay pumapasok muna sa mga call center, hanggang sa makahanap ng trabaho sa ibang bansa.

Ang mga nabanggit na trabaho ang mga dapat pag-isipan ng mga papasok pa lamang sa kolehiyo. Hindi na kailangang sabihin na kung ang plano ay maging abogado o doktor, siguradong kikita nang malaki. Ang mga nakalistang trabaho sa Jobstreet.com ay para sa mga magiging empleyado, at hindi propesyonal. Ngayon pa lamang ay kailangan nang magplano para sa kinabukasan. Matindi na ang kompetisyon sa mga trabaho. Hindi na rin kailangang sabihin na mahalaga ang mag-aral nang mabuti. Kung hindi rin magtatapos, mas mahirap pa ang makipagsapalaran sa buhay. Malungkot sabihin pero marami sa mga mag-aaral ngayon ay hindi seryoso sa kanilang pag-aaral. Sayang.

Show comments