SA harap nang nawawasak na imahe ni Presidente Noynoy Aquino, ang isang maituturing na makataong aksyon na magagawa niya ay ang pagbibigay ng house arrest kay Sen. Juan Ponce Enrile.
Isinugod si Enrile kamakailan sa Makati Medical Center dahil sa pneumonia, at sa gulang na 90-taon delikadong dapuan nang ganyang sakit ang isang tao. Hindi puwedeng maliitin ang pulmunya dahil ito’y nakamamatay na sakit lalu na sa mga elderly gaya ni Enrile na papatahak na sa pagiging centenario.
Maging sa ating umiiral na batas, ang mga elderly ay binibigyan ng konsiderasyon dahil sa kanilang edad. Kapag ang isang hinatulan ay nasa edad na 70 na pataas, kuwalipikado na siya sa probation. Puwedeng manatili na lang sa kanyang tahanan basta’t magre-report palagi sa kanyang probation officer.
Dapat ding ikonsidera ang ginampanan ni Enrile sa matagumpay na 1986 EDSA People Power Revolution. Silang dalawa ni dating Presidente Fidel Ramos, sa kabila nang pagiging katuwang ni dating Presidente Marcos sa rehimeng diktadurya ay tumalikod sa naturang Presidente at sumuporta sa EDSA revolution.
Kamakailan ay nagpahayag ng pagsuporta si Bise Presidente Binay sa mga panukalang ipailalim si Enrile at si dating Presidente Arroyo na kapwa nasa hospital arrest.
Totoong dapat ilapat ang hustisya sa mga nagkasala pero dapat ding umiral ang puso at habag ng pamahalaan sa kaso ng mga may edad na tulad ni Enrile na maaaring mamatay na lamang kung manatiling nakapiit sa kulungan.
Sa ilalim ng house arrest, malilimitahan ang galaw ng bilanggo sa loob lamang ng kanyang bahay. Hindi puwedeng magtungo kung saan-saan kaya mistula rin siyang bilanggo sa sarili niyang bahay.
Ang tema ng pagdalaw ni Pope Francis kamakailan ay “Mercy and Compassion” o awa at habag. Puwede namang magkaroon ng ganyan ang pamahalaan nang hindi isinasakripisyo ang katarungan. Kung matigok kaya si Enrile sa loob ng kulungan ay makakayanan ito ng budhi ni P-Noy?