SA kainitan ng usapin sa Mamasapano massacre na ikinamatay ng may 44 na operatiba ng Special Action Force (SAF) ng Philippine National Police (PNP), kabilang ako sa mga nanawagang magbitiw si Presidente Noynoy Aquino dahil sa isang malaking kapabayaan ng gobyerno na siya mismo ang dapat managot.
Dahil sa bugso ng emosyon ay masyado tayong padalusdalos sa ating mga nasasabi. Kung magbibitiw sa puwesto ang Pangulo, susundan natin ang law of succession sa Saliganbatas sa pagpili ng ipapalit sa kanya. Anang Konstitusyon, ang unang puwedeng pumalit sa Pangulo ay ang bise presidente at kung di pupuwede sa ano mang dahilan ay ang Senate President. Kung hindi pa rin pupuwede ay naririyan ang Speaker ng Kamara de Representantes. Kung di pa ubra, diyan pumapasok ang Supreme Court Chief Justice.
Pero mayroon pa ring naggigiit na mag-resign na ang Pangulo. Ito ang grupong EDSA 2.22.15 Coalition, at ang panukala nila ay ang pagtatayo ng transistion body na magpapatakbo ng pamahalaan sa pamumuno ng Supreme Court Chief Justice. Kaso, wala ring Konstitusyunal na basehan ito. Kaya tahasang tinutulan ito ni SC Chief Justice Maria Lourdes Sereno dahil batid niyang ito’y tandisang paglabag sa Saliganbatas ng bansa.
Ayon kay Sereno, kung pagbabasehan ang Article 7, Section 8, Paragraph 1 ng Constitution, malinaw na hindi ang Chief Justice ang papalit sa Pangulo.
Itinatadhana rito na sakaling mamatay, mapatalsik o magresign ang Pangulo, ang vice president ang hahalili. At kung di pupuwede ito ay maaring mailipat ang kapangyarihan sa Senate President hanggang House Speaker hangga’t hindi nakakahalal ng bagong Pangulo at pangalawang Pangulo.
Hindi natin masisisi ang ilang kababayan natin kung disgustado sa ating Presidente. Ako mismo ay nagkaroon ng ganyang kaisipan na kusang magbitiw na si P-Noy pero tutol ako sa kudeta ng militar.
Ang kaso lang nga ay may mekanismo na dapat sundin kapag nagbitiw sa puwesto ang Pangulo. Ang tanong: Papayag ba ang nakararaming Pilipino na si VP Jojo Binay ang umupong Pangulo sa sandaling magbitiw si P-Noy?