ANG Pain management ay dineklara sa Pilipinas at sa buong mundo na isang fundamental human right. Ang ibig sabihin ay obligasyon ng pamahalaan na siguruhin na ang mga nakakaramdam ng sakit ay mabigyan ng kaukulang lunas upang maginhawaan o kung hindi man ay para mabawasan lang ang tindi ng kirot na dinaranas. Translation: Ayon sa World Health Organization (WHO), siguruhing may supply ng epektibong pain killers tulad ng opioid analgesics. Ang pinakasikat na halimbawa nito ay ang morphine at codeine.
Ayon sa istatistiko, ang chronic o matinding pananakit ay problema kahit saan subalit mas agrabyado ang mga bansang mahirap tulad ng Pilipinas. Hambing sa average world consumption ng morphine na 6.11 mg kada tao, ang konsumo rito sa atin ay 0.6 mg lamang kada tao.
Sa lahat ng karamdaman, ang pinakamatindi na kapag pain ang pinag-uusapan ay ang cancer. Sa atin, halos 75% ng cancer patients kung sila’y hindi gumaling ay hindi nagiginhawaan ng kahit kaunti sa matinding sakit na dinaranas. May mga pasyente na sa sobrang sakit na nararamdaman ay ni hindi nakakakain o nakakatulog.
Hindi lang ang karamdaman ng isang maysakit ang dapat tuunan ng lunas. Kasama rin dito ang pagtulong sa kanyang mabawasan ang tindi ng hapdi at kirot. Ang pitong pinakamayamang bansa sa mundo na may higit kumulang na 12 porsiyento ng populasyon ang umuubos sa 84% ng morphine supply sa kasalukuyan. Isa itong istatistiko na dapat mawasto – pare-pareho lang tayong tao at may karapatang maginhawaan lalo na sa mukha ng napakatinding sakit. Ayon nga sa Pain Society of the Philippines: Bawal magtiis.
Ang mga sinisising dahilan kung bakit ganoon ang kultura sa atin ay ang takot. Takot na abusuhin ang paggamit ng mga opioids, takot na ma-addict dito at ang ugali ng Pilipino na ayaw magreklamo dahil mas takot ito sa paratang na reklamador siya. Panahon na para baguhin ang ating kultura sa pain management. Sa pamamagitan ng information campaign, mababago ang ugali natin at, sana, mabawasan na nang malaki ang bilang ng nagtitiis.