‘Sesemplang na kaso (?)’
PANGKARANIWANG AKSIDENTE yun ang parating sa kanila. Bandang huli, kumplikado pala ang mga pangyayari na ikagugulat ng lahat.
“Hinawakan ko ang ulo niya nakapa kong basag. Tinurukan na siya ng doktor para mabuhay pero walang nangyari. Yung nakabangga nakalaya pa,” wika ni Bonifacio.
Sitenta’y tres anyos na ang ama ni Bonifacio “Boni” Genaro, 44 taong gulang, nakatira sa Quezon City na si Doroteo. Kahit may edad na nagtatrabaho pa rin ang ama sa bentahan ng sasakyan at stay-in siya doon sa Manila.
Ika-27 ng Disyembre 2012…habang nagtatrabaho bilang drayber si Boni ay tumawag ang kanyang asawa.
“May nagpunta ditong kabarkada ni Papa. Nabundol daw siya,” sabi nito.
Nagpaalam si Boni sa kanyang amo at dumiretso na sa Jose Reyes Memorial Hospital. Nakita niya ang nakabendang ulo ni Doroteo. Hinawakan niya ito at naramdaman niyang basag ang bandang likod ng ulo at napansin niyang marami nang dugo ang nawala. Kinapa niya ang pulso ngunit wala na siyang naririnig.
“Sinabihan ako ng doktor na patay na nung dumating ang tatay ko sa ospital. Sinubukan nilang buhayin pero talagang hindi na kaya,” pahayag ni Boni.
Napag-alaman ni Boni na natagalan sa pagdadala sa ospital ang kanyang ama dahil ayaw kumilos ng nakabundol.
Ayon daw sa mga nakakita ng insidente, patawid ang kanyang ama matapos kumain ng agahan. Mabilis ang takbo ng tricycle na minamaneho ni Antonio Fausto, 55 taong gulang. Bahagyang tumalsik ang kanyang ama at tumama ang ulo nito sa may gutter.
“Sinisigawan pa raw siya ng mga tindera dun na dalhin na siya sa ospital dahil andyan naman ang tricycle na pwedeng masakyan. Nung hindi siya tinigilan saka niya dinala sa ospital ang tatay ko,” salaysay ni Boni.
Matapos maayos ang mga kailangan ng ama nagpunta sa istasyon ng pulis sa Port Area si Boni. Nakita niyang nakakulong doon ang nakabangga at naka-impound ang motorsiklo nito.
‘Reckless Imprudence Resulting to Homicide’ ang ikinaso ni Boni kay Antonio.
Kinunan din ng salaysay ng mga pulis ang testigo na si Kimberly Cuevas, 19 na taong gulang.
‘Habang nagtitinda raw siya ng tinapay nung alas sais ng umaga ng Disyembre 27, 2012 ay nakita niya ang isang matanda na papatawid sa Rizal Ave. Nabangga ito ng isang tricycle at bumagsak ang nasabing matanda sa kalsada na una ang ulo’.
Sa imbestigasyon ng Manila Police District, ang motorsiklo na may sidecar ay binabagtas ang daan papuntang timog sa Rizal Avenue. Nang makarating ito sa may kanto ng Batangas St. ay nabangga ng unahang bahagi ng sasakyan ang pedestrian-victim na si Doroteo na papatawid.
Sa lakas ng pagkakabangga tumilapon si Doroteo sa kalsada. Dinala ito sa ospital ngunit makalipas ang ilang oras binawian din ito ng buhay.
Ilang araw ang nagdaan nagpunta si Boni sa bakery kung saan nagtatrabaho ang testigo upang makausap ito ngunit wala na ito doon. Sinubukan nilang tawagan ang iniwan nitong numero sa salaysay ngunit hindi na ito makontak.
Makalipas ang tatlong araw nagpiyansa ng Php30,000 si Antonio pati ang motor wala na.
“Nagkaroon kami ng pagdinig ang sabi niya babayaran daw kami. May ibinibigay siyang papel na kailangan kong pirmahan para raw malakad niya sa insurance ng tricycle. Hindi ako pumirma,” salaysay ni Boni.
Ang kapalit daw ng kanyang pirma ay Php25,000. May pinagtanungan siyang isang kakilalang abogado at pinayuhan si Boni na huwag pumirma sa nasabing papel dahil lalabas na yun lang ang halaga ng kanyang ama. Isang ‘Quit Claim’ o waiver.
“Nangako pa siya na paunang bayad lang daw yun. Sa susunod na ang iba. Talagang hindi ako pumayag,” salaysay ni Boni.
Nagpatuloy ang pagdinig sa kaso. Nang mawalan ng trabaho si Boni iniuwi niya ng Leyte ang pamilya. Pauwi-uwi na lang siya doon kapag wala pang nakatakdang pagdinig.
Nagtitinda siya ng sigarilyo dito para sa kanyang pang-araw-araw na pangangailangan. Ayon din kay Boni ilang beses na raw nagpalit ang abogadong humahawak sa kanya. Hindi naman niya alam ano ang nagiging dahilan.
Sinabihan din siya na iharap ang testigong nakakita ng pagkakabundol ngunit ang inaalala niya wala na ito doon. Pulis daw ang pamangkin ni Antonio kaya’t nangangamba siyang baka pinalipat na ang kanyang testigo ng mapagtatrabahuan.
“Umupo na ang imbestigador ngunit hindi ko naman naintindihan dahil Ingles ang ginamit na salita. Hindi naman ipinaliwanag ng abogadong tumutulong sa akin kung ano ang napag-usapan,” ayon kay Boni.
Nais ni Boni na makulong si Antonio at pagdusahan ang nangyari sa kanyang ama. Ngayong darating na Marso 12, 2015 ang susunod nilang pagdinig.
Itinampok namin sa aming programang “CALVENTO FILES” sa radyo “Hustisya Para Sa Lahat” ng DWIZ882 khz (Lunes-Biyernes 2:30-4:00pm at Sabado 11:00am-12nn) ang kwentong ito ni Boni.
SA AMIN DITO SA CALVENTO FILES, ang kawalan ng testigo ay hindi dapat maging batayan para i-dismiss ang isang kasong tulad nito.
May pulis na nag-imbistiga at yun ay malaki ang timbang sa korte dahil sa mga ipakikita niyang litrato kuha mula sa incident, yung itsura ng tricycle na lumalabas na ‘bumping vehicle’ ang pinakamagaling na ebidensya (best evidence rule).
Ang mga pulis bago gumawa ng kanilang report ay may pinagbabasehan. Kumakalap sila ng mga ebidensiya at testimonya galing sa mga taong nasa paligid nung nangyari ang aksidente.
Ayon din sa kanila kusang sumuko ang nakabangga sa kanilang istasyon upang i-report ng nasabing insidente. Dito pa lamang ay mapapatunayan nang siya nga ang nakabangga sa matanda.
Mabuti ring hilingin ni Boni na isagawa ang pagdinig sa wikang tagalog upang mas maunawaan niya ang pinag-uusapan sa korte. Para malaman niya ang sinabi ng imbestigador sa kanilang pagdinig maaari siyang humingi ng ‘stenographic notes’ at aming ipaliliwanag sa kanya.
(KINALAP NI CHEN SARIGUMBA)
SA MGA BIKTIMA NG KRIMEN o may problemang ligal magpunta lamang sa 5th floor CityState Centre bldg. Shaw Blvd., Pasig City. Maari kayong magtext sa 09213263166, 09213784392, 09198972854 o tumawag sa 6387285 at 7104038. Maaari din po ninyong i-like ang www.facebook.com/tonycalvento at mag-iwan ng mensahe para sa inyong mga problema.
Hotlines: 09213263166, 09198972854
Tel. Nos.: 6387285, 7104038
- Latest