INAPRUBAHAN na ng DOTC ang mungkahi na pansamantalang isara na muna ang MRT-3 sa katapusan ng linggo,apara magawa ang kinakailangang pag-ayos ng mga riles na may bitak at lamat na. Ang plano ay isara ang MRT ng alas nuwebe ng gabi ng Sabado, hanggang alas dose ng tanghali kinabukasan. Ang oras na ito ay gagamitin para palitan ang mga riles na sira na, na dahilan ng mga aberyang nagaganap sa MRT kamakailan. Nasa 150 metro ng riles ang mapapalitan daw sa nasabing oras. Maikli lang ito kung tutuusin, pero mabuti na kaysa wala.
Ilang beses tumigil ang operasyon ng MRT itong mga nakaraang linggo, sa galit ng mga regular na pasahero. Ayon kay MRT General Manager Roman Buenafe, ang mga sira o hindi pantay na riles ang dahilan ng mga aberya. Hindi makapagpatakbo ng mabilis ang mga bagon kaya dagdag ito sa kalbaryo ng mga pasahero. Mahahaba na ang pila, mabagal pa ang biyahe. Pero mas mabilis pa rin ang MRT kumpara sa mga bus.
Sinabi na ng mga eksperto mula Hong Kong na masyado nang luma ang MRT-3, at kailangan nang palitan o baguhin ang mga sistema, pati na rin mga riles at bagon. Sa totoo lang, sakit ng Pilipino ang gumamit ng mga sasakyan hanggang sa masira nang tuluyan. Makikita ito sa mga pampublikong sasakyan tulad ng bus, jeepney at taxi. Mga gulong na uubusin hanggang sa maglabasan na ang mga kaluluwa. Mga pansamantalang remedyo ng mga sirang piyesa. Lahat dahil ayaw gastusan ng mga bagong piyesa dahil liliit ang kita. Hindi na baleng malagay sa peligro ang mga pasahero. Kasalanan din ng mga ahensiya ng gobyerno na kumikilos lamang kapag may aksidente na, tulad ng LTFRB.
Mahalagang uri ng pampublikong transportasyon ang mga katulad ng MRT. Mga mayayamang bansa ay siguradong may sistema ng tren na bumabaybay sa kahabaan ng kanilang mga siyudad. At ang maganda sa kanila, inaalagaan nang husto. Sabihin na natin na hindi naman tayo mayamang bansa. Pero hindi rin naman dapat pinababayaan na lang kumalas at maghiwalay ang MRT dahil sa walang pambili ng mga nasisira o nalulumang piyesa. Nasa budget dapat ito ng gobyerno. Hindi rin naman libre ang sakay kaya may perang pumapasok kung para sa maayos na maintenance lang. Nagtaas na nga ng singil kaya dapat lang may makitang pagbabago ang publiko.