BIBYAHE na sa susunod na linggo ang ibinibidang 50 unit ‘express buses’ ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA).
Dahil palala pa ng palala ang trapiko sa bansa, ito ang naisip nilang ‘band-aid solution’ para magbigay-serbisyo sa publiko. Hindi yata alam ni Chairman Francis Tolentino, lalong magdadagdag-sikip lang ito sa lumiliit pang mga pangunahing lansangan.
‘Express’ bus ang tawag nila dito sa air-conditioned, wifi ready at exempted sa coding na mga sasakyan. Pero para sa akin, ‘comfy’ o ‘comfortable buses’ ang dapat itawag.
Kung pagbabasehan kasi ang tagalog na kahulugan, ang express ay walang sagabal, dire-diretso, mabilisan at agarang makakarating ang pasahero sa paroroonan. Sa kalagayan ng lansangan sa Metro Manila, siguradong hindi na ito express.
Hindi na bago ang ideyang ito. Dekada ’80 pa, inilunsad na ang ganitong uring serbisyo. Tinawag na ‘Love bus’ ang mga non-stop bus ng gobyerno. Kung trapiko ang pag-uusapan, napakaluwag pa noon ng lansangan.
Kaya kung mayroon mang dapat ilunsad ang MMDA ngayon, ito ay ang pagpapatupad ng carpooling hindi express bus.
Matagal ko na itong panawagan sa aking progra-mang BITAG Live, magkaroon ng carpool lane o sariling daa-nan tuwing rush hour ang mga sasakyang may tatlong sakay pataas. Insitibo nila ito bilang pagsunod sa bawas-trapiko.
Istrikto itong babantayan. Mino-monitor sa pamamagitan ng mga naka-plantang kamera sa bawat sulok ng lansangan. Sinumang dadaan na lumabag sa bilang ng pasaherong obligadong sakay, may karampatang parusa.
Maliban dito, dapat na ring tanggalin ng MMDA ang mga provincial buses terminal na nasa loob ng Edsa. Walisin ang lahat ng kolorum at hindi rehistradong sasakyan.
Lansangan ang unang basehan ng mga dayuhan kung anong uring pamumuno, panunungkulan, kulay, kultura at lasa mayroon ang isang bansa.
Dito palang, makikita na kung disiplinado o balahura ang mga mamamayan at kung pabaya at palpak ang mga namumuno at nangangasiwa.
Hindi natin masisisi ang sinumang bumisita sa Pilipinas na sa anumang bagay na kanilang nakita, nag-iwan ng persepsyon at tatak sa kanilang isipan.
Hangga’t walang political will ang mga namumuno, lalo pang magiging mahabang parking lot tuwing rush hourang mga pangunahing lansangan.
Abangan ang BITAG Live araw-araw na sabay na napapanood at napapakinggan tuwing alas 10:00-11:00 ng umaga sa Radyo5 92.3 News FM at AksyonTV.