ISA na namang mamamahayag ang pinatay noong nakaraang linggo sa Tagbilaran City, Bohol. Ang nakalulungkot, naganap ang pagpatay isang araw makaraang ihayag na nasa ika-141st na puwesto ang Pilipinas sa World Press Freedom Index. Noong nakaraang taon, nasa 149th na puwesto ang Pilipinas.
Binaril at napatay ang radio broadcaster na si Maurito Lim habang papasok sa kanyang radio office sa dyRD. Isang motorsiklo ang pumarada sa tapat ng tanggapan, bumaba ang lalaki at nilapitan si Lim saka binaril ito sa kaliwang bahagi ng mukha. Matapos ang pamamaril, mabilis na sumakay ang lalaki sa motorsiklo at umalis. Isinugod sa ospital si Lim pero namatay din habang inooperahan. Iniim-bestigahan na ng pulisya ang motibo ng pamamaril sa broadcaster.
Si Lim ang ika-34 na mamamahayag na pinatay mula nang manungkulan si President Noynoy Aquino. At lahat nang pagpatay sa mga mamamahayag ay hindi pa nalulutas. Noong nakaraang buwan, isang tabloid reporter ang binaril at napatay sa Bataan. Hindi pa rin nalulutas ang pagpatay. Mula 1992, 80 mamamahayag ang pinaslang sa bansa at lahat ito ay may kinalaman sa kanilang trabaho bilang mamamahayag.
Isang halimbawa ay ang broadcaster-environmentalist na si Doc Gerry Ortega. Pinatay si Ortega habang pumipili ng damit sa isang tindahan ng ukay-ukay sa Puerto Princesa City noong 2011. Binaril siya habang nakatalikod. May mga inarestong suspek pero habang nasa kulungan ay isa-isang pinatay ang mga ito.
Ang pinaka-karumal-dumal na pagpatay sa mga mamamahayag ay nangyari noong Nob. 23, 2009 sa Maguindanao. Tatlumpong mamamahayag at 28 sibilyan na magpa-file ng kandidatura ang minasaker at inilibing sa hukay. Hanggang ngayon, wala pang nakukuhang hustisya ang mga kaanak ng Maguindanao massacre.
Patuloy ang pagpatay sa mga mamamahayag sa bansa at wala nang proteksiyon mula sa gobyerno. Bala ang katapat ng mga mamamahayag na bumabatikos o bumabanat.
Tuparin ng Aquino administration ang pangakong wawakasan na ang mga karumal-dumal na pagpatay sa mga mamamahayag at darakpin ang mga “utak”. Hindi sana pawang pangako ang administrasyong ito.