Ang Chinese New Year 2015 celebration
NAPAKASAYA at makabuluhan ang naging pagsalubong sa Chinese New Year, o Year of the Wood Sheep, laluna sa bahagi ng Chinatown sa Maynila. Saklaw nito ang panahong Pebrero 19, 2015 hanggang Pebrero 7, 2016, base sa Chinese Lunar Calendar.
Napakaraming “highlights” ng selebrasyon, na pina-ngunahan ng mga lider ng Filipino-Chinese community at nina Mayor Joseph “Erap” Estrada, Vice Mayor Isko Moreno at 3rd district Councilor Bernie Ang, na vice chairman ng Manila Chinatown Development Council.
Tampok sa mga ito ang inagurasyon ng tinaguriang “New Gate to Chinatown” sa paanan ng Jones Bridge; New Year countdown sa Plaza San Lorenzo Ruiz; fireworks sa Regina Tower at Solidarity Gathering sa Pacific Center; food fair; float parade mula Plaza San Lorenzo Ruiz patungong Lucky Chinatown; midnight sale sa mga establisimento sa Binondo; at mga bazaar sa Ongpin at Soler streets.
Kasabay nito, nagbigay-pugay si Erap sa Filipino-Chinese community dahil sa napakalaking kontribusyon nito sa ekonomiya at kultura ng bansa, gayundin sa ka-lakalan, patrabaho sa mamamayan, at iba’t ibang serbisyo sa publiko laluna sa mga lubhang nangangailangan.
Ipinangako ni Erap ang pagpapaigting pa ng kanyang administrasyon sa mga serbisyo sa Filipino-Chinese community laluna sa aspeto ng pagtitiyak ng peace and order. Kailangan aniyang gawin ng pamahalaan ang lahat ng mga kaukulang hakbangin upang manatili at ibayo pang mapatatag ang magandang relasyon sa Filipino-Chinese community.
Sinabi pa niya na malaki ang kanyang pasasalamat na nagkakaisa ang Filipino-Chinese business community sa pagdiriwang ng Chinese New Year at pagsuporta sa kanyang planong mas paunlarin pa ang Chinatown.
Binigyang-diin naman ni Councilor Ang na ang pakikipagkapit-bisig ng Filipino-Chinese community sa lokal na pamahalaan para sa naturang selebrasyon ay bahagi ng pagsuporta ng mga ito sa layunin ni Erap na mapaunlad at mabigyan ng katiwasayan hindi lang ang Chinatown kundi ang buong lungsod. Isa sa mga lider ng Filipino-Chinese community na mahigpit na sumuporta sa pagdiriwang ay si Kevin Tan, senior vice president ng Lucky Chinatown.
- Latest