UNAN ang kayakap sa gabing malamig. Kumot ang pampainit. Mata ay ipipikit para ang tukso’y ‘di lumapit. Kapag nadikitan ng balat na pareho niya ring sabik, tiyak unan ay ihahagis, kumot ay ililihis…magbabaga ang katawan sa kamang nagliliyab sa init…
“Sino katabi mong matulog?” laman ng text sa inbox ng mister.
“Syempre ako! Ako asawa niya e!” reply ng misis.
Sa text message ng isang Pinay-Worker unang nahuli ng misis na si Ma. Cristina Ibera o “Tina”, 45 taong gulang ang asawang si Jessie Ibera, 42 anyos. Overseas Filipino Worker (OFW) sa Jeddah, Kingdom of Saudi Arabia.
“Noon pa lang ramdam ko ng may iba siya. Ebidensya lang ang hinintay ko sa loob ng limang taon,” ani Tina.
Benta anyos si Tina at kaka-graduate pa lang niya sa kolehiyo ng makilala ang bagong lipat na kapit-bahay, si Jessie o “Jess”, 18 anyos nun. Kumukuha ng kursong Criminology.
Naging magkaibigan sila ni Jess, niligawan siya nito at nagkaroon sila ng relasyon. Isang taon lang makalipas, kinasal sila agad sa huwes.
“Buntis na ko nun. Tumuloy kami sa bahay kasama si Mama,” ani Tina.
Kahit ama na, nakapagtapos si Jess ng criminology subalit hindi niya tinuloy ang pagpupulis. Naging Salesman siya sa Abenson nung taong 1994-2002.
Noon pa lang daw nagkaroon na ng babae ang mister. Nahuli niya raw itong ka-text kasamahan din sa trabaho. Kinumpronta siya ni Tina ng malaman ito.
“Alam niyang bawal ang magkaroon ng karelasyon sa kanila. Akala niya siguro isusumbong ko sila kaya tumigil siya agad,” sabi ni Tina.
Naayos muli ang relasyon ng mag-asawa. Nagsunud-sunod ang anak nila hanggang umabot sa apat. Dito na nagdesisyon si Jess na magtrabaho sa Saudi.
Nagsimula siyang maging ‘salesman’ sa Jarir Bookstore. Nagpapadala siya halagang P15,000-P20,000 bawat buwan at bayad sa tuition fees ng mga anak.
Taong 2004 nang unang magbakasyon sa Pinas si Jess. Mula nun isang beses sa isang taon siya kung umuwi sa Pinas.
Taong 2009, nagsabi si Jess kay Tina na hindi na muna magbabakasyon.
“Wala raw siya masyadong pera sayang daw kung uuwi pa,” ani Tina.
Naintindihan ni Tina ang mister at naghintay na lang ng isa pang taon. Dumaan ang taong 2010, 2011 at 2012, hindi pa rin ito umuwi hanggang nung taong 2013. Buwan ng Pebrero nagbakasyon siya.
Unang gabi ni Jess sa kanilang bahay, habang tulog siya narinig ni Tina na may nag-text sa mister. Nangtingnan niya, “Sino katabi mo matulog?” text daw ng babaeng kinilala niya daw na si “Cristine”.
Nagreply agad si Tina, “Syempre ako! Ako ang asawa niya e…Pwede ba tigilan mo ang asawa ko, nasa pamilya niya siya.”
Hindi na raw nagulat si Tina sa natuklasan dahil una pa lang na ‘di umuwi ng Pinas ang mister, kinutuban na siyang may babae ito.
Kwento ni Tina tumawag rin si Crisitine sa mister “Saan ka umuwi?” Sumagot si Tina, “Natural dito siya umuwi… sa’min!” sabay baba ng cellp hone.
Hinihintay ni Tina na umamin si Jess sa kanya subalit ng makita raw nito ang palitan nila ng text, tanong lang nito, “Paano pa sasagot yan e tinext mo!”
Nalaman ng panganay nilang si Kristine ang pambabae ni Jess. Nang magkausap ang mag-ama, naging totoo siya sa kanyang dalaga.
“Sige, anak sampalin mo ko!” ani daw ni Jess.
Hindi na nakapagsalita ang kanilang panganay nun at umiyak na lang. Marso 2013, bumalik na ng Saudi ang ama.
Nung nasa airport daw ang mister nagsabi ito sa kanyang kapatid na ‘di siya natuloy sa Saudi. Tinanong ni Tina ang mga kasamahan nitong Pinoy kung totoong hindi nakabalik ng Jeddah si Jess. Nagulat si Tina ng sabihin ng mga itong nandun si Jess at nagtatrabaho.
“Bakit kailangan niya sabihing ‘di siya natuloy? Anong meron?” aniya.
Mula nun hindi na raw nagparamdam ang mister. Natigil din sa pag-aaral ang kanyang panganay dahil dito. Nobyembre 2013, bigla itong tumawag sa kanila at nagpadala ng pang-matrikula ng isa pang anak.
Nung mga panahong iyon, isang kaibigan na nagtatrabaho rin sa Jeddah ang nagbunyag na taong 2009 pa umano may relasyon si Cristine at Jess.
“Ang kwento sa’kin, may asawa rin ang babae nagtatrabaho sa Jubail, KSA. May dalawa silang anak,” ayon kay Tina.
Nung Mayo 2014, nagbakasyon sa Pinas ang asawa ni Cristine. Ani Tina, nagkausap sila nito at nalaman niyang hiwalay na rin daw sila.
“Ang sabi niya bigla na lang kumalas sa kanya ang babae ng walang dahilan,” wika ni Tina.
Sa ngayon magkasama na umano si Jess at Cristine sa Jeddah. Mula sa pagiging Katoliko nagpa-convert na rin daw si Jess sa pagiging Muslim.
Hindi na raw sumasapat ang padalang pera ng mister para sa tatlong anak niyang nag-aaral. Huminto na ang kanyang panganay at tumutulong sa pagpapa-aral ng isa nilang kolehiyo subalit nagkukulang pa rin.
Gusto ni Tinang makausap ang kanyang mister para sa sustento ng mga anak dahilan para magpunta siya sa aming tanggapan. Itinampok namin ang kwento niya sa ‘CALVENTO FILES’ sa radyo. “HUSTISYA PARA SA LAHAT” ng DWIZ882KHZ. (Lunes-Biyernes 2:30-4:00PM at Sabado 11:00-12NN).
SA AMIN DITO SA CALVENTO FILES, ang kasong inilalapit sa amin ni Tina ay personal, bagamat pinalitan na siya ni Jess, hindi pa rin niya tuluyang tinalikuran ang kanyang mga anak subalit nagrereklamo si Tina na kulang ang pinapadala para sa pangangalilangan ng mga ito.
Naging totoo namang ama si Jess kanyang dalagang anak at dun sa tatlo pa hindi na niya ipinaalam dahil hindi talaga maiintindihan. Ang susi dito ay ang panganay na si Kristine para sa kanyang pagpapaliwanag maiintidihan ni Jess na kulang para sa kanilang anak ang padala ng ama.
Maari kaming makipag-ugnayan sa Department of Foreign Affairs (DFA), kay Usec. Rafael Seguis at Ambassador Ezzedin Tago ng Riyadh, ipatawag nila si Jess at iparating ang reklamo ni Tina. Tali rin naman ang mga kamay nila dahil may iba ng pamilya si Jess at nag-iba na ng relihiyon kaya’t may iba pa siyang pinagkakagastusan. Kapag kulang ang pisi, gumawa sila ng paraan dahil lumalabas para kay Jess, hanggang dito lang kaya ko.
Isang alituntunin sa Islam ay maari kang magkaroon ng kahit ilang asawa subalit may obligasyon ka na kaya mong buhayin, lahat sila. Ano kaya, iparating sa Imam (parish priest sa Islam) kung nasaan si Jess na napapabayaan niya ang kanyang ibang anak? Okay ba sa’yo yun Jess? (KINALAP NI MONIQUE CRISTOBAL) SA MGA BIKTIMA NG KRIMEN o may problemang ligal magpunta sa 5th floor CityState Centre bldg. Shaw Blvd., Pasig. O magtext sa 09213263166, 09213784392, 09198972854. Landline 6387285 / 7104038.
Hotlines: 09213263166, 09198972854
Tel. Nos.: 6387285, 7104038