PINASIDHI ng masaker sa Mamasapano ang pagka-disgusto ng madla sa administrasyong Noynoy Aquino. Ngitngit ang mamamayan sa pakiki-peace talks ni P-Noy sa mga separatistang Moro na kumakanlong ng international terrorists. Ganunpaman, nangangarap nang gising ang mga nagnanais na ikudeta si P-Noy. Umaasa lang sila sa sama ng loob ng mga pulis sa pagkalagas ng 44 na commandos. Pero walang kudeta na magtatagumpay kung hindi lalahukan ng militar. At matatag ang suporta ng Armed Forces kay P-Noy.
Ang pag-asa lang ng isang grupo ng mga dating politiko at opisyales ng rehimen ni Gloria Macapagal Arroyo ay withdrawal of support. Sa tulong ng ilang retiradong heneral, hinihikayat nila ang AFP na talikuran si P-Noy. Kahalintulad ito ng ginawa nu’ng Enero 2001 ni noo’y-AFP chief Angelo Reyes na kasama ang mga hepe ng Army, Navy, at Air Force, ay iniwan si Pres. Joseph Estrada.
Pero noon ay ibinigay ng militar ang kapangyarihan sa constitutional successor, si noo’y-VP GMA. Kakaiba ngayon, dahil ayaw ng mga lumang politiko at GMA officials kay VP Jojo Binay, dahil sa isyu ng katiwalian. Nais nila ng isang National Transition Council na bubuuin nang mahuhusay na mamamayan na sisiguraduhin ang malinis na halalan sa 2016.
May isa pang grupo na pareho ang layunin: Pag-alis ng suporta o pagbitiw nina P-Noy at Binay, tapos pagbuo ng transition council. Pero may malaking kaibhan sa unang grupo: Wala sa kanila na datihang pulitiko at tauhan ni GMA. Binubuo sila ng mga kontra sa political dynasties, pork barrels, at PCOS voting machines na nagpapalala sa sistemang pampulitika.
Balak ng ikalawa ang malaking rally sa EDSA Shrine sa Peb. 22.
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM).