KAHAPON, sa gitna ng patuloy na paglutang ng mga masama at nakakayanig na balita tungkol sa Mamasapano Clash at ng partisipasyon dito ng US government, sa namumuong usapang Coup d’etat laban kay P-Noy, sa posibleng pag-kalat na MERS-Cov virus, sa pagkapatay ng isa namang mediaman sa Bohol, sa misteryosong fishkill sa Manila Bay at sa hinaing ni Pope Francis sa execution ng 21 Egyptian Christians ng ISIS group, may isa ring kakaibang kaganapan na itinuring na karapat dapat mailagay sa ulo ng balita sa TV, radio, print at internet news. Anong kagulagulantang na balita ito? Sagot: Ang pag-attend ni Congressman Manny Paquiao sa sesyon ng House of Representatives.
Ang attendance record na hindi karaniwang iniinda sa kaso ng ibang kongresista ay nagiging pambansang isyu kapag si Cong. Paquiao ang pinag-uusapan. Hindi ito maiwasan dahil iba ang pamantayan ng tao kapag ang hinihiling ng kanilang mga idolo ay hindi lang ang paghanga kundi pati na rin ang kanilang tiwala.
Dahil sa kakaibang pagsuri, nahalatang hindi pala nagpapapasok si Congressman sa sesyon. Noong nakaraang 2014, champion din pala siya sa absences. Nagtala ito ng aapat na present sa kabuuhan ng taon. Napilitan tuloy na magkumento si Sen. Rene Saguisag na patalsikin na dapat ng kamara si Congressman dahil malinaw na hindi pinahahalagahan ang sinumpaang katungkulan.
Ano ang sagot ni Congressman sa mga kritiko? Absent man daw siya sa sesyon ay nandoon naman lagi sa distrito kung saan higit siya nakakatulong.
Kung tutuusin, hindi lamang pagsasagawa ng batas ang trabaho ng isang Congressman. Nandyan din ang constituency work o ang pagbabad sa distrito; ang oversight work o ang pagbantay na ang mga batas ay naipapatupad ng tama; at ang edukasyon ng publiko sa mga panukalang kailangang pag-usapan ng lipunan.
Subalit ang lahat nang ito ay walang kabuluhan kapag hindi ka nakikilahok sa talakayan sa mismong House of Representatives kung saan ang mga hinaing ng iyong mga botante ay nailalahad at, higit dito, kung saan ang iyong tinig na kumakatawan sa opinyon ng kinasasakupan ay napapakinggan.
Hindi matatakasan ni Congressman Manny ang obligasyon na magpakita at makilahok sa sesyon. Kapag absent siya, absent din ang Saranggani.
Utang ni Congressman sa kanyang kinasasakupan ang kanyang sipag at tiyaga sa distrito. Higit dito ay utang niya sa kanila ang kanyang sagradong boto para masigurong bahagi ang Saranggani sa mga desisyong nakakaapekto sa ating lahat bilang Pilipino.
Attend ka na Cong. para rin yang boxing, aanhin ang sparring kung hindi ka papasok sa ring?