SINASABI ng Moro Islamic Liberation Front (MILF na hindi ito terorista at tulad ng marami, ang hangad nito ay magkaroon ng kapayapaan sa Mindanao. Pero totoo kaya na may kaugnayan ang MILF sa mga grupong terorista tulad ng Jemaah Islamiya at sa napatay na international terrorist na si Marwan?
Kamakailan ay inilabas ni Senate Majority Leader Alan Peter Cayetano ang dokumentong magpapatunay ng alegasyong ito. Importanteng mabigyang-linaw ito dahil may nabibimbing pakikipagnegosasyon ang ating pamahalaan sa MILF para mapagtibay ang Bangsamoro Basic Law (BBL).
May sinasabi sa Biblia na lahat ng bagay ay nangyayari para sa ikabubuti ng mga nananampalataya sa Diyos (Roma 8:28). Kahit trahedya ay puwedeng gamitin ng Diyos para ilantad ang masama. Ang pagkamatay ng 44 na operatiba ng SAF na inatasang humuli kay Marwan ay naglantad sa tunay na kulay ng MILF. Na sila’y hindi kakampi kundi kaaway ng estado. Kung magkagayon, bakit isusulong pa ang BBL na magbibigay ng malawak na kapamahalaan at kapangyarihan sa MILF?
Kung sadyang kailangan ang awtonomiya, wala tayong tutol diyan basta’t huwag makipagnegosasyon sa iisang sektor lang kundi sa lahat ng mamamayan sa Mindanao at sa ibang bahagi ng bansa na siyang magbibigay ng pondo sa itatayong awtonomiya.
Ipinagdiinan ni Sen. Cayetano na maliwanag na nagsinungaling ang mga kinatawan ng MILF na humarap sa pagdinig sa Senado nang itinanggi nilang may kaugnayan sila kay Marwan. Pero sige, patunayan ng MILF na walang katotohanan ang mga sinasabi tungkol dito.
Walang sino man ang tututol sa kapayapaan pero papaano kung ang mga nagsasabing iyan ang kanilang isinusulong ay nagbabalatkayo lang at sa katunayan ay gusto lang makapuntos ng malaki para maghari ang kanilang buktot na simulain? Wika nga ni Cayertano, “Lahat tayo ay gusto ng peace. Ang stand ko ay ituloy ang peace process. Huwag sa MILF, humanap tayo ng mga kausap dun na magbibigay ng tunay na peace,” ani Cayetano.