EDITORYAL – Mga granadang ‘supot’
KAPAG Bagong Taon, madalas na may nagpapaputok ng rebentador. Sisindihan ang mitsa ng rebentador at saka ihahagis. Merong mabilis na magsindi ang mitsa kaya dapat ihagis agad ang rebentador para hindi masabugan ang kamay. Pero meron din namang rebentador na kahit sinindihan na ay hindi pa rin pumuputok at sa halip ang maririnig ay “sssppppttttt!”. Ang mga rebentador na ito ay tinatawag na “supot”. Kaya pinagtatawanan ang mga nagpapaputok ng rebentador na “supot”.
Pero hindi lamang rebentador ang “supot”, pati granada ng Philippine National Police (PNP) ay “supot”. At kapag “supot” ang granada, nakalagay na sa hukay ang katawan ng sinumang may taglay o dala nito. Karaniwang granada ang dala ng mga sundalo o pulis na sumasalakay sa isang mabigat na operasyon. Ang granada ang karaniwang nagsasalba sa mga sundalong naiipit sa labanan. Kapag inihagis o ikinarga sa M-16 rifle at nahagip ang target, sambulat ang kaaway. Bawat hagis ng granada ay may kapalit na buhay.
Nakakapagngitngit ang ipinagtapat ng isang Special Action Force (SAF) officer na hindi raw pumutok ang mga granada ng 44 na police commandos na napalaban sa Moro Islamic Liberation Force (MILF) at Bangsamoro Islamic Freedom Fighter (BIFF) sa Mamasapano, Maguindanao noong Enero 25. Hindi raw sana nalagas ang buhay ng SAF commandos kung pumutok ang kanilang grenade launcher. Dahil depektibo, naipit sa maisan ang mga pulis at doon na sila brutal na binaril nang malapitan. Pawang sa ulo ang tama ng mga SAF commandos. Kinunan pa ng video ang pagpatay sa mga pulis. Hinubaran pa ang mga ito at kinuha ang mga baril, uniporme, cell phone at iba pa.
Nakakaawa ang mga biktima. Hindi na nga natulungan habang nakikipaglaban ay pinagdala pa ng mga granadang “supot”. Hindi kaya kinokonsensiya ang mga taong may kinalaman sa sinapit ng 44. Sana ay buhay pa sila kung nasaklolohan at kung naisyuhan ng hindi depektibong granada. Kinawawa ang 44 na biktima.
- Latest