NAKATUTOK ang buong bansa sa magkakahiwalay na imbestigasyon sa Senado at Kongreso. Hanggang ngayon, wala pa ring nananagot sa nangyaring madugong engkwentro sa Mamasapano, Maguindanao.
Ang mga personaheng lumutang ang pangalan na nasa likod ng nabulilyasong operasyon, kaniya-kaniya nang turuan at sisihan.
Sa dami ng mga balita sa isyung ito, baka malingat na ang pamahalaan at maaliw na naman ang publiko sa mga nakakasawa at paulit-ulit ng hearing.
Hindi na nakikita at napagtutuunan ng pansin ang iba pang mga problema tulad ng industriya ng ilegal na droga.
Taon-taon, tumataas at lumalawak pa ang underground industry na ito. Patuloy na namamayagpag dahil mayroong demand at supply sa merkado.
Puspusan ang kampaya ng gobyerno kontra ilegal na droga. Subalit, bilang lang ang mga operasyong nagreresulta sa malakihang kumpiskasyon.
Ang pangunahing dahilan, kakulangan ng pondo at suporta ng pamahalaan sa mga operatibang nagdedeklara ng giyera kontra droga, ang Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), Philippine National Police – Anti-Illegal Drug Special Operations Task Force (PNP-AIDSOTF) at National Bureau of Investigation (NBI).
Maliban dito, mayroon ding nangyayaring intramurals o paligsahan sa kanilang hanay tulad ng senaryo ngayon sa pagitan ng PNP Special Action Force at Armed Forces of the Philippines (AFP).
Nagpapagalingan. Walang koordinasyon. Hindi nagbibigayan ng impormasyon dahil ang bawat isa nag-aasam ng pagkilala na ibibigay ng pamahalaan.
Ngayong taong 2015, P1.47 bilyones ang nakalaang Intelligence at Confidential Fund (ICF) ng gobyerno. Sa bilyong halagang ito, sana ‘maambunan’ ang mga operatiba para sa kanilang mga kagamitan, pwersa at teknolohiya.
Sa kasalukuyan, humigit-kumulang kalahating bilyon lang ang pondo ng PDEA habang P36 milyon naman sa PNP-AIDSOFT. Barya-barya lang kumpara sa mga ipinupuslit na droga sa Pilipinas.
Isa ang BITAG na matagal nang nagdodokumento ng mga operasyon ng PDEA, NBI at AIDSOFT sa matagal nang nananawagan sa Lehislatura. Pansinin, bigyan ng atensyon at bigyan ng sapat na pondo ang mga ahensya na nagdedeklara ng gyera kontra droga.
Abangan ang BITAG Live araw-araw na sabay na napapanood at napapakinggan tuwing alas 10:00-11:00 ng umaga sa Radyo5 92.3 News FM at AksyonTV.