(Part 2)
MAY mga problema sa mata na idinadaing ang mara- ming tao. Alamin natin kung masama ba ito o hindi.
1. Twitching of the eyelids o iyung panginginig ng talukap ng mata. Pangkaraniwang pangyayari ito at hindi po ito masama. Dulot ito ng pagkapagod ng ating mata. Marahil ay gabi na at nasobrahan ang iyong pagbabasa o pagtatrabaho. Ipikit ang mata at ipahinga. Matulog ng mahaba sa gabi. Kinabukasan ay wala na iyang problema.
2. Malabong paningin sa umaga. Pangkaraniwan din ito. Ang dahilan nito ay ang pagkatuyo ng ating cornea (iyung harapan ng mata). Ipikit-pikit mo lang ang mata ng ilang beses para mabasa ito ng luha. Maya-maya ay manunumbalik na ang malinaw mong paningin.
3. May laman na tumutubo sa harap ng mata. Ang tawag dito ay pterygium, at dulot ito ng pagkairita ng mata sa usok, alikabok at dumi. Para hindi lumaki ang pterygium, umiwas sa mauusok na sasakyan at huwag nang ganoong lumabas sa kalye. Hindi delikado ang pterygium. Ngunit kapag natakpan na nito ang iyong paningin, kailangan itong operahan at alisin ng doktor.
4. Sore eyes. Ang sintomas ng sore eyes ay ang pamumula ng dalawang mata. Makati ito at parang may buhangin sa mata. Ito ay impeksyon sa mata na nahawa mula sa ibang tao. Mabilis kumalat ang sore eyes. Huwag makipagkamay o gumamit ng kagamitan ng taong may sore eyes. Para magamot ang sore eyes, patakan ng anti-bacterial eyedrops 3 beses sa maghapon. Puwedeng linisin ang mata ng salt solution. Maghalo ng distilled water at katiting na asin. Ihalo ito maigi. Kumuha ng cotton balls at isawsaw dito. Ipikit ang mata at ipatong ang basang cotton balls sa mata ng 5 minuto. Hayaang manuot ang tubig na may asin sa iyong mata. Medyo masakit ito pero mapabibilis ang paggaling ng iyong sore eyes.
5. Eye floaters o ‘yung may lumulutang na bagay-bagay sa paningin. Puwede kang matakot kapag una mo itong makita. Minsan ay hugis bilog o pahaba ang iyong matatanaw. Ang mga lumulutang na bagay ay nasa loob pala ng iyong mata. Dulot ito ng pag-edad o pagkakaroon ng dating pinsala (nabangga ang mata). Hindi naman po delikado ang floaters. Tandaan lang na kapag biglang dumami ang nakikita mong floaters, magpatingin na sa isang eye specialist. Good luck po!