APEKTADO na ang pag-usad ng Bangsamoro Basic Law (BBL) dahil sa pangyayari sa Mamasapano, Maguindanao na ikinamatay ng 44 na police commandos. Sinuspinde na ng House of Representatives ang hearings ukol sa BBL at walang makapagsabi kung kailan ito ipagpapatuloy o kung may balak pang ipagpatuloy. Nasira ang timetable ng mga mambabatas dahil sa “masaker” ng mga miyembro ng SAF na naatasang humuli sa mga teroristang sina Zulkifli Bin Hir, alias Abu Marwan, at Basit Usman. Napatay si Marwan at kinumpirma na ito ng FBI dahil sa DNA test. Nakatakas si Usman at hanggang ngayon ay hindi pa nahuhuli. Ni anino ng terorista ay hindi makita. Umano’y nasa teritoryo ito ng MILF pero mariin itong itinanggi ng tagapagsalita ng rebeldeng grupo. Tikom ang bibig ng MILF ukol kay Usman at walang pagkilos na nakikita para mahuli ang terorista.
Kahapon nagsagawa ng imbestigasyon ang Senado ukol sa Mamasapano incident at walang makitang liwanag kung sino nga ba ang nag-utos para isagawa ang plano. Sa takbo ng pagsasalita ng mga inimbitahan ay mayroong pinagtatakpan at nililigtas ang sarili para hindi madiin. Malayo pa ang tatakbuhin ng imbestigasyon at walang makapagsasabi kung may kahahantungan ito. Baka mapasama lang ito sa hukay ng mga nalagas na commandos.
Ang dapat pagtuunan ng pansin ngayon ng gobyerno ay kung paano mahuhuli patay man o buhay si Usman. Sana ay magkatotoo ang banta ng Presidente na sasagasaan ang lahat para mahuli si Usman. Banta niya sa mga nagkakanlong kay Usman: “Huhulihin namin si Usman, anuman ang maging desisyon ninyo, sino man ang kumukupkop sa kanya, at saan man siya nagtatago. Walang dapat magduda: Magkatuwang ang adhikain natin para sa kapayapaan at katarungan. Sa mga naliligaw naman ng landas, na magtatangka pang humadlang sa pagtugis namin kay Usman, tandaan na ninyo: Estado ang kalaban ninyo, at sasagasaan namin kayo.”
Gawin na ang nararapat! Sagasaan ang sasagasaan para mahuli ang bomber na si Usman.