NANG pumutok ang nangyari sa Mamasapano, Maguindanao noong Enero 25, kung saan 44 na miyembro ng Philippine National Police-Special Action Force (SAF) ang napatay, naglabasan na naman ang mga ‘eksperto’ kuno sa Mindanao.
Nakabibingi ang naglabasang kuru-kuro lalo na sa mga nananawagan ng ‘all-out-war’ sa Mindanao pagkatapos ngang nalagasan ng 44 na tauhan ang elite PNP team ng SAF.
May nagsasabing i-suspend ang public hearing at proseso ng Kongreso sa proposed Bangsamoro Basic Law. May sumasangguning dapat nang iabandona ang peace process. May nag-uudyok na dapat pulbusin na lahat ng MILF at kung anu-ano pang mga agresibong mungkahi.
Marami rin sa ating mga otoridad ay magkasalungat ang sinasabi ukol sa sitwasyon sa Mindanao.
Ang mahirap kasi karamihan sa mga nagsasalita ay hindi naman mga taga-Mindanao. Putak nang putak at hindi naman tagarito sa amin sa katimugan.
Karamihan sa mga sinasabing ‘eksperto’ ay hindi pa nga nakakayapak dito sa Mindanao
Kung hindi n’yo pa naranasan kung paano mamuhay dito sa Mindanao sana naman huwag kayong mang-uudyok nang marahas na pamamaraan sa pagresolba sa problema sa Mindanao.
Totoong ang lahat ng ito ay naaayon sa demokrasyang umiiral sa ating bansa ngunit dapat ang demokrasyang ito ay dapat magkaroon din ng responsibilidad nang sa gayon ay mas lumalim ang pagkakaintindi sa Mindanao.