ILAN PA ANG luhang babaha galing sa mga mata ng magulang, asawa, kapatid at malalapit na kaibigan dahil ayaw sumunod sa batas trapiko na ipinagbabawal ang pagmamaneho ng sasakyan ng nakainom?
“Dilat ang mata, durog ang mga ngipin. Ang kaliwa niyang hita ay halos ubos na ang laman at may bali pa sa kaliwang dibdib.”
Ganito inilarawan ni Luz ang anak nang ilabas niya ng ospital. Isang tingin tatanungin mo ang iyong sarili paano magiging ang buhay niya sa ganitong kundisyon.
“Pinigilan ko sila dahil nakainom na pero hindi nagpaawat. Sinunod niya pa rin ang kagustuhang ihatid ang kanyang pinsan,” wika ni Luz.
Salpukan ng dyip at motorsiklo ang naganap sa Cavite na naging dahilan ng pagkamatay ng dalawang kamag-anak nina Lourdes “Luz” Villanueva, 54 taong gulang.
Kwento niya nagpunta sa mga kaibigan ang kanyang anak na si Jessie, 24 na taong gulang at napasali sa inuman. Kasama rin nito ang pinsang si Reynaldo Villanueva-55.
Bandang alas siyete ng gabi ng Setyembre 7, 2014 nang umuwi ang dalawa. Halata ni Luz na nakainom ang mga ito. Nagpaalam ang bunsong anak na ihahatid niya ang pinsan na si Reynaldo sa Kawit, Cavite.
Hindi pumayag si Luz dahil nakainom na ang anak at lasing na lasing si Reynaldo. Susuray-suray na ito kung maglakad. Hindi man ganun kalango sa alak si Jessie kinakabahan pa rin si Luz sa pag-alis nito.
Sa kabila ng pagpigil ng ina tumuloy pa din si Jessie at iginiit na kaya niya pang magmaneho ng motorsiklo.
“Hating gabi na wala pa siya. May sunud-sunod na katok akong narinig sa pinto,” kwento ni Luz.
Pagbukas niya kapitbahay niya ang nakita. “Magbihis ka. Bilisan mo ang anak mong si Jessie naaksidente. Dinala sa Divine Grace Hospital!”
“Hindi ko alam kung ano talaga ang nangyari. Alam ko lang nagkaroon ng banggaan. Wala silang sinasabing detalye sa ‘kin,” ayon kay Luz.
Alas singko ng umaga kinausap sila ng imbestigador na si PO3 Darwin Manalo. “Ayusin ninyo ang bangkay para sumailalim sa autopsiya.”
Dun na nalaman ni Luz na patay na ang kanyang anak. Iyak na siya ng iyak hanggang sa pag-uwi kaya’t ang pamangkin niya na si Noel ang umasikaso ng kaso.
‘Reckless Imprudence resulting to Double Homicide and Damage to Property’ ang kanilang isinampa.
Hindi niya raw matingnan ang itsura ng kanyang anak dahil sa pinsalang natamo nito sa nangyaring aksidente.
“May nakapagsabi sa ‘kin na pumailalim sa dyip ang anak ko kaya ganun ang naging itsura niya,” wika ni Luz.
Nakalagay sa ‘police report bandang alas nuwebe ng gabi ng Setyembre 7, 2014 nakatanggap sila ng tawag na mayroong naganap na aksidente sa Pasong Kawayan.
Nakasakay sa motorsiklo na may plate number na WH-3108 mula Manggahan papuntang Malabon, Cavite habang ang dyip na may plate number na DRV-286 ay patungong Manggahan mula Malabon.
Inokupa umano ng biktima ang linya na tinatahak ng dyip na naging resulta ng banggaan. Dinala sa ospital ang mga biktima ngunit idineklarang ‘dead on arrival’.
“Nung gabing yun nakulong ang nagmamaneho ng dyip na si Adriano Colada. Hindi ko siya nakaharap o nakausap dahil inaasikaso ko ang anak ko. Makalipas ang isang linggo nagpiyansa siya ng halagang Php30,000,” kwento ni Luz.
Sa medico-legal report sa isinagawang pagsusuri kay Jessie lumalabas na ang dahilan ng kanyang pagkamatay ay ‘Traumatic Injuries to the trunk and extremities’.
Ang dahilan naman ng pagkamatay ni Reynaldo ay Traumatic Injuries, head, trunk and extremities.’ Pinirmahan ito ni P/CInsp. Jericho Cordero, Pathologist/Medico Legal Officer.
Nasa Municipal Trial Court (MTC) ng General Trias ang kaso ngayon.
Sa darating na Pebrero 11, 2015 bandang 1:30 ng hapon ang nakatakdang pagdinig.
Wala raw silang abogadong tutulong sa kanila sa kaso. Ito ang inaalala ni Luz dahil ayaw niya ring mawalan ng hustisya ang pagkamatay ng kanyang anak.
Itinampok namin sa aming programang “CALVENTO FILES” sa radyo “Hustisya Para Sa Lahat” ng DWIZ882 khz (Lunes-Biyernes 2:30-4:00pm at Sabado 11:00am-12nn) ang kwentong ito ni Luz.
SA AMIN DITO SA CALVENTO FILES, may batas na tayo ngayon na ipinagbabawal ang pagmamaneho ng nakainom.
Ito ay ang Republic Act 10586 o ang “Anti-Drunk and Drugged Driving Act of 2013.” Meron silang ‘breath analyzer’ na susukatin kung gaano karaming alak ang nainom ng isang tao.
Ang katapat na kaparusahan at multa ay depende kung may namatay na tao sa pagmamaneho ng nasa ilalim ng espiritu ng alak o ipinagbabawal na gamot.
Dahil kayo ang nagdemanda kapag lumabas na ang resolusyon, tatayong abogado ninyo ang Prosecutor kung pabor sa inyo ang kanyang pagtimbang ng kaso. Maglalabas din ang hukom ng Warrant of Arrest matapos niyang repasuhin ang ginawa ng taga-usig (determination of probable cause).
Sa isang deretsong pananalita, ang mabigat na dapat harapin nila Luz ay ang mga bagay na maaaring magdiin na ang anak niya ang may kasalanan kung bakit nagkaroon ng nakamamatay na aksidente.
Una, nakainom siya. Pangalawa, sa ‘police traffic report’ sinakop ng motorsiklo ang linya na para sa dyip. Pangatlo, ang motorsiklo ang lumlabas na ‘bumping vehicle’.
Pinayuhan namin sila na kailangan makakuha sila ng testigo na maaaring nakakita ng pangyayari na sasalungat sa ulat ng pulis dahil meron mga ibang pulis (hindi lahat) maaring magkamali o inaayos agad depende kung sino ang magbibigay ng pera para makaiwas ang tunay na may sala.
KINALAP NI CHEN SARIGUMBA)
SA MGA BIKTIMA NG KRIMEN o may problemang ligal magpunta lamang sa 5th floor CityState Centre bldg. Shaw Blvd., Pasig City. Maari kayong magtext sa 09213263166, 09213784392, 09198972854 o tumawag sa 6387285 at 7104038. Maaari din po ninyong i-like ang www.facebook.com/tonycalvento at mag-iwan ng mensahe para sa inyong mga problema.
Hotlines: 09213263166, 09198972854
Tel. Nos.: 6387285, 7104038