AYON sa imbestigasyon ng AFP sa naganap na masaker sa Mamasapano, Maguindanao, ang may kasalanan sa naganap na madugong enkwentro ng mga PNP-SAF at mga puwersa ng MILF at BIFF ay si PNP Director Gen. Getulio Napeñas, ang commander ng SAF. Isinekreto kasi ang operasyon sa maraming tao at ahensiya, tulad ng AFP, pati na rin sina DILG Sec. Roxas at PNP OIC Gen. Espina. Kaya nang humingi na ng tulong ang mga SAF commandos dahil naipit na sa teritoryo ng MILF kung saan pinagbababaril na sila, huli na ang lahat. Wala ngang maayos, o opisyal na koordinasyon.
Ito naman ay inamin kaagad ni Napeñas nang pumutok na ang balita hinggil sa sinapit ng mga SAF. Wala raw siyang tiwala sa MILF, kaya hindi pinaalam ang operasyon sa lahat ng kinauukulan dahil baka kumalat ang operasyon. Pero tama ba ang ganitong kalakaran sa isang institusyon tulad ng PNP-SAF, kung saan napakahalaga ang sumunod sa chain of command na tinatawag? Hindi katanggap-tanggap kung talagang si Napeñas lang ang nagplano, at nagpasiya sa operasyon. Kung totoo ito, napakalaking paglabag sa mga patakaran bilang isang opisyal ng pulisya. Pwede na ba ang kahit sinong mataas na ranggong opisyal gumawa ng operasyon nang walang basbas mula sa mga nakatataas sa kanya? Hindi ba ito nga ang isang problema sa naganap na rubout sa Quezon, kung saan gumawa ng sariling operasyon si Supt. Hansel Marantan dahil sa personal na pakay?
Alam ng AFP na may grupo ng SAF sa kanilang lugar, pero hindi pinaalam ang pakay o ang misyon, kaya pinabayaan lang. Nang malintikan na sila, doon pa lang humingi ng tulong, pero napatay na ang apatnapu’t-apat. Ni hindi alam ng mga sundalo ang eksaktong lugar kung saan inuubos na ang mga SAF. Nakapanlulumo talaga.
Sa ngayon, ang bintang ay lahat nakaturo kay Director Gen. Napeñas. Pero marami ang hindi kuntento, o hindi naniniwala na siya lang ang may alam ng operasyon. Sa madaling salita, may mas mataas na opisyal siyang kinausap, na nagbigay ng basbas sa kanya. Sino ang tunay na nagkamali? Alam nating hindi si DILG Sec. Roxas, alam nating hindi si PNP OIC Gen. Espina. Magsalita naman kaya si Napeñas, ngayong leeg na niya ang nakataya? O masyadong maselan na ang isyu kung masangkot ang mga tunay na nakakaalam? Wala pa nga tayong nariring mula kay Gen. Purisima, ang suspindidong PNP Director General. Pero madalas nang nababangit ang kanyang pangalan. Bakit kaya?