Pinakamalaking blackeye ni Noy
MAITUTURING nang pinakamalaking “bukol” ni Presidente Aquino ang nagbabagang isyu sa Mamasapano massacre. Mantakin n’yo nga naman na ang operasyon ng PNP/ SAF para magsilbi ng arrest warrant sa dalawang terorista sa Mamasapano ay pinangunahan ng suspendidong PNP Chief Alan Purisima.
Tapos, walang nalalaman sa operasyon sina DILG Secretary Mar Roxas pati na ang acting PNP Chief na si Gen. Leonardo Espina. Sabi nga ni dating Presidente Fidel Ramos, sinira ni P-Noy ang chain of command at ito’y malaking pagkakamali ng isang pinuno ng bansa. Tapos, hindi malaman kung sino ang talagang nag-utos sa operasyon dahil tahasang naghuhugas ng kamay ang mismong Pangulo.
Kung magkakaroon man ng imbestigasyon sa kasong ito para tukuyin ang mga dapat managot, duda akong ito’y convincing o katanggap-tanggap sa taumbayan. Tiyak, may mga pagtatakip na mangyayari.
May mga sektor na militante at relihiyoso ang nananawagan na ngayon sa pagbibitiw ng Pangulo. Sari-sari ang pananaw tungkol sa isyu ng pagbibitiw.
May nagsasabing hindi dapat mag-resign ang Pangulo dahil mayroon siyang mandatong dapat tapusin, ayon kay AFP Chief of Staff Gen Gregorio Pio Catapang Jr. Ngunit sa panig ng ilang Obispo ng Simbahang Katoliko, kailangan nang bumaba sa puwesto ang Pangulo.
Sa pananaw ko, ang lakas ng isang leader para mamuno ay nakasandal sa tiwalang ibinibigay sa kanya ng tao. Kapag nawala ang tiwalang iyan ay mas masahol pa sa walang leader ang pananatili nito sa tungkulin. Kaya kung ako ang nasa katayuan ng Pangulo, ang pinakadisenteng gagawin ko ay humarap sa pambansang telecast, magso-sorry ako sa aking pagkakamali kasabay ng announcement ng aking pagbibitiw.
Totoong halal ng tao ang Pangulo, pero papaano nga kung wala nang tiwala sa kanya ang mamamayan? Ang problema nga lang ay sino’ng matinong kapalit ang ihahalili sa kanya. Sa line of succession, ito ay ang bise Presidente. Pero alam ng lahat ng nahaharap si VP Jojo Binay sa mga usapin. Pihong marami ang mapapataas ang kilay kapag nangyari ito.
- Latest