HINALTAK ang nakatali niyang buhok, sinubukan niyang kumawala subalit kada palag niya mas humihigpit ang hawak nito at nahihila ang kanyang leeg. Ilang sandali kuko naman ang bumaon sa kanyang mukhang hanggang leeg.
Nagmakaawa siya subalit sa halip na tumigil hinila pa ang kanyang damit.
“Nahubaran ako hanggang lumabas ang suso ko…” panimula ni Amy.
Kalmot sa iba’t-ibang bahagi ng mukha’t leeg at tahi sa kaliwang tenga. Ilan lang ito sa mga sugat na natamo ni Amelia ‘Amy’ Perez subalit mas ininda niya ang kahihiyan ng makita ng mga lalaking nagsusugal sa kanilang lugar ang pagluwa ng kanyang dibdib.
Si Alicia Israel aka Alicia Armenion, 42 anyos at Amy, 62 taong gulang ay dating maghipag--dating kinakasama ng kanyang kapatid na si Eduardo.
Apat na taon ng tumutuloy si Amy at kanyang pamilya sa bahay ng anak, sa isang subdibisyon sa Montalban, Rizal.
Dati silang taga Makati subalit ng matapos ang bahay ng anak sila ang umukupa sa isa sa dalawang unit na kinuha nito.
May sari-sarili mang pamilya, ayon kay Amy dahil siya ang panganay malapit pa rin siya sa mga kapatid lalo na sa bunsong si Eduardo o “Edy”. Hiwalay sa asawa at may isang anak.
Si Edy ay Overseas Filipino Worker (OFW) sa Saudi Arabia. Minsan lang siya kung umuwi. Taong 2010, nang magkakilala si Edy at Alicia sa Facebook (FB). Taga Cebu si Alicia, hiwalay sa asawa at may isa ring anak.
Nung taong 2011 ng umuwi ang kapatid, pinaluwas niya ng Maynila si Alicia at mula nun nagsama na sila sa Montalban.
“Tumuloy sila sa unit ng anak ko. Pinayagan naman sila,” ani Amy.
Balik Saudi agad si Edy habang naiwan si Alicia sa bahay. Nung panahong iyon nakatira naman sa isang unit ang kapatid ni Amy na si Mario kasama ang hipag na si Norma at tatlo nilang anak.
Nagsumbong na lang si Mario kay Amy at sinabing nagkasagutan si Alicia at Norma dahil sa pagbabayad ng tubig.
Hindi na pinansin ni Norma si Alicia at inintindi na lang. Taong 2012, umalis si Alicia sa unit matapos ikuha ni Edy ng sariling bahay sa parehong subdibisyon. Kasama ni Alicia dun ang amang si Felix Armenion.
Mula nun hindi na sila nag-usap ni Alicia. Naputol din ang komunikasyon nila kay Edy. Nagalit daw ito matapos umano silang siraan ni Alicia sa kapatid.
Buwan ng Setyembre 2014, nagulat na lang si Amy ng kontakin ng kapatid. Nagpadala rin ito ng sulat—authorization letter kung saan hinihiling niya kay Alicia na ibigay kay Amy ang mga sumusunod: isang malaking dram, isang malaking kahon at tools, gamit sa sasakyan na pinundar ng kapatid nung mga unang taon niya sa Saudi.
“Hindi ko masyadong alam ang naging problema nila pero nakarating daw sa kapatid ko na ibebenta ni Alicia ang mga tools. Mahalaga sa kapatid ko ang tools na yun kaya pinakuha niya,” ayon kay Amy.
Nabalitaan ni Amy na tumigil na pala sa pagpapadala ng pera ang kapatid kay Alicia. Nakarating daw kasi kay Edy na may pinapapasok umanong ibang lalaki sa bahay ang kinakasama.
Base sa salaysay na ibinigay ni Amy nung ika-11 ng Nobyembre 2014 kay PO3 Andrew Guerrero, sa Pulisya ng Rodriguez, Rizal:
Ika-16 ng Setyembre 2014, dinala ni Amy ang sulat kay Alicia at tinanong ang tungkol sa tools na pinapakuha ng kapatid. Naabutan niya dun si Alicia at ama nitong si Felix. Mabilis daw ang pangyayari at bigla na lang siyang tinanong ni Alicia, kung bakit niya pinag-iinitan ang gamit ng kapatid.
Nagsagutan sila ni Alicia at sinabing napag-utusan lang siya at wala siyang interes sa nasabing tools.
Nagalit na lang daw itong si Alicia at minura siya, “P*7@#6 i#@ mo ka! Nandito ka sa harap ng aking bahay kahit anong gawin ko sayo pupuwede!”
Habang nasa mahabang upuan bigla na lang sumulpot ang tatay niyang si Felix at agad daw hinila ang kanyang buhok na nakatali.
“Sinugod ako ni Alicia na nagsasalita ng ‘P*7@#6 i#@ mo ka! Papatayin kita! Hayup ka! At ako ay kinalmot at sumigaw ako ng, ‘Tama na! Maawa ka!”—laman pa ng salaysay.
Pilit daw hinihila ni Alicia ang kanyang t-shirt na ‘di naman niya naiwasan dahil hinihawakan naman siya ni Felix.“…nahubaran ako hanggang lumabas ang aking suso, hinablot niya ang aking hikaw at ibinato niya. Napunit ang laman ng sabitan ng aking hikaw at dumugo ang aking tenga,” ani Amy.
Umiiyak na si Amy sa sakit subalit hindi pa ito nakuntento at kinuha pa raw ang suot niyang salamin sa mata at dinurog ito.
Namalayan na lang ni Amy na nilalayo siya ng kapitbahay na si Norman Guisado na siyang umawat sa mag-ama at dinala siya sa Brgy. San Isidro para magpa-blotter. Agad din siyang pumunta sa ospital para sa mga sugat na natamo.
Base sa medico legal result pirmado ni Dr. Rufino Pascual Jr, MD ng Casimiro Ynares, Sr. Memorial Hospital, nagtamo siya ng gasgas at pasa sa mukha at dibdib at sugat sa tenga. “Hinila niya ang hikaw ko, lumaylay ang balat. Ginupit na ng doktor yung laman saka tinahi,” dagdag pa ni Amy.
Nagharap na raw sila sa baranggay subalit ‘di sila nagkasundo. Ayaw daw nito ibigay ang tools at sinabing si Edy ang humarap sa kanya.
Nagsampa ng kasong Physical Injury, Grave Threat at Malicious Mischief si Amy laban sa mag-amang Armenion sa Prosecutor’s Office Taytay, Rizal at kasalukuyan na lang silang naghihintay ng pagdinig.
Nabalitaan ni Amy na paalis na ng bansa itong si Alicia para magtrabaho bilang Domestic Helper (DH). Ayaw niyang mabalewala ang kaso at gusto niyang mapaalis sa bahay ng kapatid ang mag-ama kaya nagpunta siya sa amin. Itinampok namin siya sa ‘CALVENTO FILES’ sa radyo, ‘HUSTISYA PARA SA LAHAT’ DWIZ882KHZ(Lunes-Biyernes 2:30-4:00PM/Sabado 11-12NN).
SA AMIN DITO SA CALVENTO FILES, pinaliwanag namin kay Amy na hindi mababalewala ang kaso nitong si Alicia. Kung hindi siya sisipot at hindi makakapagsumite ng kanyang kontrasalaysay, lalabas na ‘di nadinig ang kanyang panig kaya’t walang pagbabatayan ang taga-usig sa kanyang pagtimbang ng mga pangyayari. Malamang na kikilingan ng taga-usig ang reklamo ng isinumiteng salayasay at ang tingin sa ikalawang panig wala siyang maisagot na depensa.
Kapag meron ng warrant of arrest dapat hilingin ng taga-usig na nakatalaga sa korteng iyon na maglabas ng kautusan ang kagalang- galang na hukom na hahawak sa kasong ito ng Hold departure Order (HDO) para kay Alicia.
Maliban sa kasong Physical Injuries pinayuhan din namin siyang magsampa ng kasong slander by deed dahil sa ginawa sa kanyang hinila ang kanyang damit at lumabas ang kanyang dibdib. (KINALAP NI MONIQUE CRISTOBAL) SA MGA BIKTIMA NG KRIMEN o may problemang ligal magpunta sa 5th floor CityState Centre bldg. Shaw Blvd., Pasig. O magtext sa 09213263166, 09213784392, 09198972854. Landline 6387285 / 7104038. Hotlines: 09213263166, 09198972854