^

PSN Opinyon

Hinala

- Bening Batuigas - Pilipino Star Ngayon

KUNG nagtagumpay pala ang operasyon ng Philippine National Police- Special Action Force (PNP-SAF) kina Zulkifli Bin Hir, alias “Marwan” at Basit Usman sa  Mamasapano, Maguindanao noong January 25, tiyak na tatabo nang tumataginting na $5 million ang may paka­na. Ang masakit sa halip na bumango ang namamahong pangalan ng mga may pakana, nakulapulan ito ng sandamakmak na intriga, hehehe! Paano’y nalagas ang 44 na SAF at ikinasugat pa ng higit sa 10 sa 13 oras na bakbakan. Ang masakit nito, lumalabas na walang tulong o reinforcement ang militar sa Southern Mindanao Command kung kaya nalagas ang halos lahat ng mga inutusan sa pagbingwit kina Marwan at Usman.

Idagdag pa ang pagtanggi ng MILF na patay na si Marwan, dahil ayon sa spokesman ng MNLF na si Emmanuel Fontanilla, nasa Lanao umano si Marwan nang mangyari ang pagsalakay. Kung totoo man itong alegasyon ni Fontanilla, malinaw na may naglaglag sa operasyon ng SAF. Di ba mga suki!  Ito ang iniluha ng lahat ng mga inulila ng 44 fallen heroes at buong PNP. Kaya sa labis na pagkadismaya idinaan na lamang sa  walk for sympathy and justice ng mga opisyales ng PNP, Bureau of Jail Management and Penology (BJMP), Bureau of Fire and Protection (BFP) at Philippine National Police Academy (PNPA) Batch 11, 10 at 9 mula sa Libi­ngan ng mga Bayani hanggang sa National Capital Region Police Office-Multi Purpose, Camp Bagong Diwa sa Taguig City.

Hindi maitatago ang pagluha ng mga miyembro ng SAF, PNP, BJMP, BFP at PNPA nang silipin ang bangkay ng mga biktima dahil ang ilan sa mga nasawi ay brutal ang sinapit sa patraidor na pamamaslang ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) at Moro Islamic Liberation Front (MILF). Kapansin-pansin din ang pag-irap o pag-isnab kay P-Noy ng ilang pamilya sa necrological dahil sa  sama ng loob sa brutal na sinapit ng kanilang mga mahal sa buhay. Ito ang naghikayat sa mga senador at congressmen na magsagawa ng masusing imbestigasyon na ang pangunahing puntirya ay ang partisipasyon ni suspended PNP chief Alan Purisima.

Malinaw kasi sa aking mga kausap na walang kinalaman sina DILG secretary Mar Roxas at Acting PNP chief Leonardo Espina sa madugong operasyon ng SAF. Kitang-kita naman kasi ang pagsisikip ng dibdib nina Roxas at Espina habang tinutulungan si P-Noy sa pagbibigay ng Medalya ng Kagitingan at plaque sa mga naulila ng SAF. Ang masakit, mula nang pumutok ang karimarim-marim na pagkamatay ng mga SAF hindi man lamang sumilip si suspended PNP chief Purisima kaya lalong umiigting ang hinala ng sambayanan. Ngunit hindi tayo ang dapat humusga sa kanya dahil ang Senate at House of Representative ay nakatakdang imbitahin si Purisima upang malinawan ang kaganapan sa Maguindanao Massacre. Kaya mga suki, abangan ang magiging resulta ng imbestigasyon, iwasan muna nating lumikha ng maling haka-haka at baka masira ang pangarap ni President Aquino na maisulong ang peace process sa Mindanao. Abangan!

ALAN PURISIMA

BANGSAMORO ISLAMIC FREEDOM FIGHTERS

BASIT USMAN

BUREAU OF FIRE AND PROTECTION

BUREAU OF JAIL MANAGEMENT AND PENOLOGY

CAMP BAGONG DIWA

EMMANUEL FONTANILLA

MARWAN

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Recommended
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with