Tula ang handog sa bulaklak

Ako’y isang paru-paro

sa malayo pa nagbuhat

Kaya ako’y naparito

ay mayroong hinahanap

Ang bulaklak sa hardin kong

kahalikan sa magdamag

Ay ano ba’t isang gabi

Naglaho at sukat

Kung saan siya nakasabit

ay hindi ko madalumat

Kaya wasak yaring puso

At sakbibi ng bagabag

Ginalugad ko ang bundok

mga dagat ay minasid

Sa hangaraing masilayan

ang bulaklak na nawaglit;

Walang tigil ang paglipad

Global City ay nasapit

At dito sa bulwagang mapang-akit

Sa wakas ay nasilayan

Ang bulaklak ng pag-ibig.

Ang bulaklak na naglaho’y

naririto sa bulwagan

Kaya ako ay pumasok

na ang dala’y pagmamahal

Kung dito ay  mayroong tutol

Na siya ay aking masilayan

Magsalita at ngayon pa’y

hahamunin ko ng away!

Ngayong aking matagpuan

Ang bulaklak ng pag-big

hindi ko na papayagang

maagaw pa ng kung sino

Siya ay aking aalayan

Ng matapat na pag-ibig ko

At ng tulang walang kamatayan

Pagkat ito’y tulang Pilipino

Show comments