LIMANG taon nang laganap ang mga asasinasyon sa kalsada. Dahil hindi ito masawata ng pulisya, nagkaroon na ito ng bansag: “R-I-T,” o “riding in tandem,” ang modus ng mga upahang mamamatay-tao na kung umupak ng baril habang magkaangkas sa motorsiklo, na mainam na getaway vehicle. Sunud-sunod na Philippine National Police director-generals ang sumablay. Hindi nila napamunuan ang pagsuri ng modus operandi, kasama kung anong uri ng tao, gaano kalimit, at kung saan madalas umuupak ang mga salarin (halimbawa, sa bahay o opisina ng mga biktima). Walang pambansang kilos na nilunsad. Puro lang “Band-Aid” solutions sila, tulad ng paminsan-minsang checkpoints ng mga naka-motorsiklo. Kaya kung dati’y mga karibal sa negosyo o pulitika ang mga ipinapapatay, ngayon ay kahit sino na lang, pati karibal sa panliligaw, kakumpetensiya sa puwesto sa palengke, o ano pang kababawan.
Ngayon isa pang estilo ng krimen ang lumalaganap: Ang panghoholdap mismo ng taxi drivers sa mga pasahero.
Marami na ang napabalitang insidente sa Metro Manila. Kalimitan ay nag-iisang babae o dayuhang matanda ang biktima, at gabi hanggang madaling-araw umuupak ang mga salarin. Kalimitan din baril o patalim ang gamit sa krimen. Maaring nag-iisa o may kasapakat ang driver; ang kasapakat na ito ay nakatalukbong ng kumot sa harap na upuan, o nagtatago sa trunk compartment, o naghihintay sunduin sa madilim na lugar. Tinatangay ang pera, alahas, cell phone, at gadgets ng biktima.
Imbes na lutasin ng pulisya ang krimen, higpitan nila ang pagdadala ng baril ng mga matitinong mamamayan. Alam tuloy ngayon ng mga kriminal na walang lalaban sa kanila na may lisensiyadong armas. Ang naghahari sa kalye ngayon ay mga may ilegal na baril.
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM).