KUNG nangangamba kayo na tuluyang mahihiwalay ang bahagi ng Mindanao sa Pilipinas kaugnay ng kontrobersyal na Bangsamoro Basic Law (BBL) hindi mangyayari ito. Para sa akin, mukhang mas seryoso ang puwedeng maging scenario.
Kapag binigyan ng kasarinlan sa pamamahala ang Bangsamoro, malamang ang kasunod niyan ay isusulong nito na maging kahiwalay na Republika. Pero hindi tayo mahihiwalay dahil pati buong Pilipinas ay malamang maipailalim dito sa kalaunan. O, eh di buo pa rin hindi ba? Kung si “Great Makoy” ay sumisigaw ng “Isang bansa isang diwa” ang isisigaw naman ni President Noynoy ay “Isang BANGSA, isang HIWA.” Hay naku, gusto lang nating magpatawa sa isang napakaselan at nakababahalang usapin.
Tama si Sen. Alan Peter Cayetano sa pag-atras sa pagiging co-author ng BBL. Ngayon pa lang ay nagiging marahas na ang Moro Islamic Liberation Force (MILF) laban sa ating mga tagapagpatupad ng batas, eh di lalu na kapag binigyan na sila ng kapangyarihan na may sariling pulis at militar?
Tingin ko, kailan man ay hindi matatamo ang kapa-yapaan sa Mindanao hangga’t may mga paksyon ng mga rebeldeng Moro na gustong pumapel para maging “bida”. Alam naman natin na ang negosasyon ay sa pagitan ng pamahalaan at ng MILF. Ito’y bagay na ikinagagalit naman ng Moro Islamic Liberation Front (MNLF) ni Nur Misuari. Tiyak, ano mang mapagkasunduan nang wala ang kabilang paksyon ay masasabotahe.
Kung ang gusto natin ay awtonomiya sa Mindanao, hindi ito dapat kasangkutan ng mga political forces tulad ng MILF at MNLF. Hindi rin dapat manghimasok ang alinmang dayuhang bansa gaya ng Malaysia sapagkat ito’y pakikialam sa ating soberenya. Kailangan sangguniin ang lahat ng residente ng buong Mindanao, Muslim man o Kristiyano o ano mang etnikong kultura. Base sa resulta ng konsultasyon, doon bumuo ng framework para sa awtonomiya.
Kung pagbabatayan ang tinatawag na ancestral domain, hindi makatarungan na isang political faction lang ng mga Muslim ang konsultahin dahil napakaraming tribo sa Mindanao na may kani-kaniyang katutubong teritoryo. Dapat ay pulsuhan at kunin ang consensus ng lahat ng mamamayan sa rehiyon. At yung mga paksyon na walang habas na pumapatay at nangingidnap, pag-usigin ang mga iyan ng naaayon sa batas ng Republika ng Pilipinas.