ALAM n’yo bang naghahanda na ang isang mag-ama para labanan naman ang isa pang mag-ama para sa 2016 elections?
Ayon sa aking bubwit, happy birthday muna kay Manila Prosecutor Jessie Bautista, Atty. Dick Consolacion ng Pagcor, Bro. Rudy Ong, Bro. Alex Sese, Ms. Rose Meniano, Linda Maggay at Wilma Mistranza.
Alam n’yo bang maglalaban ang dalawang amang pulitiko at ang kani-kanilang mga anak sa isang lungsod sa Metro Manila sa 2016 elections?
Ayon sa aking bubwit, noong 2013 elections ay nagsagupa na rin ang dalawang pamilya subalit parang naging tabla ang labanan. Parehong nanalo yung dalawang ama subalit natalo naman pareho ang kani-kanilang mga anak. Ang isang amang pulitiko ay tumakbong mayor at nilabanan siya ng anak ng kanyang kalaban. Nanalo yung matanda bilang mayor at natalo ang batang kalaban.
Sa kabilang banda, ‘yung isang ama ay tumakbo namang kongresista at nilabanan naman nung anak. Nanalo naman yung matanda bilang kongresista at natalo naman yung batang kalaban.
Ayon sa aking bubwit, sa darating na 2016 elections, mas parehas na ang laban ng magkabilang kampo. Yung parehong tatay ay magsasagupa ngayon sa pagka-mayor at yung kani-kanilang mga anak ay maglalaban naman sa pagka-kongresista.
Ang dalawang tatay na maglalaban sa pagka-mayor ay si Caloocan City Mayor Oca Malapitan at First District Rep. Recom Echiverri.
Ang dalawa naman nilang anak na maglalaban sa pagka-kongresista ay sina Rico Judge Echiverri at Along Malapitan.