^

PSN Opinyon

‘Kabit pa sa Pusod’

- Tony Calvento - Pilipino Star Ngayon

Hotlines: 09213263166, 09198972854

Tel. Nos.: 6387285, 7104038

LILIMANG letra ang titik ng pangalan subalit hindi mabanggit. Tawagin mo’t lilingon, titig sandali subalit yuyuko at babalik sa kanyang ginagawa. Walang ka­paguran sa paglalakad… pabalik-balik lang sa ‘di malaman na direksyon.

“Dalawang taon si Allan ng mapansin namin kakaiba siya sa normal na bata,” panimula ng inang si ‘Butch’.

Nagsadya sa aming tanggapan si Maria Lagrimas Pascual o “Butch”, 64 anyos ng Sampaloc, Manila ina ni Allan Cesar o ‘Allan’. Pinoproblema ni Butch ang nawalang anak na isang ‘special child’—25 taong gulang na ngayon.

Kasal si Butch kay Cesar “Buboy”, 65 anyos—dating ‘book keeper’ sa isang banko. Nagkaroon sila ng apat na lalaking anak, bunso si Allan.

Ang kanyang panganay nasa Europe at may pamilya na. Kasama naman niya ang dalawa pang anak at mga pamilya nito sa kanilang bahay sa Sampaloc.

Nagsimulang magtaka si Butch na may mali sa anak ng dalawang taon na ito subalit hindi pa rin siya nakakapagsalita at tanging ungol lang ang maririnig.

“Nung minsang magsimba kami takbo lang siya ng takbo. Hindi siya napapagod. Sabi ko nga bakit ganun ang anak ko?” ani Butch.

Pinatingin nila sa doktor si Allan subalit laging ‘late development’ lang umano ang problema ng anak. Limang taon si Allan ng maisip nilang ipasok ito sa Special Education (SPED). Hindi naman nila ito natuloy dahil kinakailangang huminto sa pagtatrabaho ni Buboy sa banko matapos humina ang kanyang baga.

Hindi na nila napatingin sa doktor nun si Allan subalit inalagaan siyang mabuti ni Butch at may mga bagay siyang nagagawa tulad ng isang normal na bata.

Napatignan lang nila ito nung malaki na siya at nalamang siya umano’y may problema sa pag-iisip na kung minsa’y nahihimatay at naninigas ang katawan (seizures). Dahil sa problemang ito ‘di na siya nakakausap at mailap sa tao. Mabilis siyang tumatakbo kapag may lumalapit sa kanya.

Niresitahan ng gamot si Allan para umayos ang kanyang kundisyon subalit kung minsan ‘di daw ito nakakainom. Nakatutok din si Butch sa paglaki ng anak kaya’t may mga bagay siyang natutunang gawin mag-isa tulad ng pagsaksak ng T.V at electric fan. Nakakuha rin siya mag-isa ng pagkain sa kanilang refrigerator.

“Malambing na bata rin si Allan. Tatawagin ko yan, papakalungin ko sakin sabay hahalikan ako sa pisngi…” pagbabalik tanaw ni Butch.

Hinahayaan ni Butch na mamuhay ng normal ang anak. Hindi niya ito pinagbabawalang lumabas dahil naglalakad lang naman ito at babalik din sa bahay.

Kilala rin si Allan ng mga kapitbahay. Ang panaderya sa kanilang kanto tinimbrehan niya rin na kapag ang kumuha ng pag-kain ang anak ibigay na lang at kanyang babayaran. Madalas daw kasi itong mang-angaw ng inumin.

Natuto ring mag-isa si Allan. Kung dating magkatabi sila ng amang si Buboy, nitong huli natutulog na siya mag-isa sa kwarto at natutulog solo sa kama.

“Basta may electric fan siya okay siya. Talukbong yan kung matulog, kapag ka napatay mo ang electric fan magigising,” pag-alala ni Butch.

Sanay na si Butch sa sitwasyon ng bunso. Alam niyang habambuhay na pag-unawa ang kailangan ni Allan. Sa edad na 25 anyos kailangan din niya gabayan at bigyan ng atensyon tulad ng isang bata. Dahil sa sakit ni Allan may pagkakataong sinumsumpong ito, minsan lakad siya ng lakad sa iisang direksyon lang, papasok sa bahay at iinom ng tubig hanggang sa mapuno ang tiyan at masuka.

Kapag malala, na-rorobot ito (naninigas at bumabagal ang mga galaw) at tumutigas din daw ang panga (lockjaw) at naglalaway. Nangyayari ito kapag hindi nakakainom ng gamot ang anak.

Dati na nila itong naisugod sa National Center for Mental Health (NCMH), subalit mas na-‘trauma’ daw si Allan ng itali sa loob at mahiwa ng lubid ang kanyang tenga. Kahit ganito ang nangyari nagtanong si Butch kung maaaring ma-confine dun ang anak subalit sabi umano ng doktor na hindi maaring isama sa mga baliw si Allan dahil iba ang kaso  ng kanyang sakit.

Umuwi rin ng bahay si Allan kinalaunan, mula nun kapag may lalakeng lalapit sa kanya na ‘di niya kilala umiiyak na lang ito.

Ika-28 ng Oktubre 2014, bandang alas 3:30PM umalis ng bahay ang asawa ni Butch na si Buboy para pumunta sa burol ng kapatid sa Mayon.

Naiwan sila sa bahay nila Allan. Nakita raw ni Allan na umalis ang ama. Nakaugalian na ni Allan na kapag aalis ang isa sa kanila, inaayos na nito ang suot na pambahay para pagbalik iaabot niya ang damit pamalit.

Bandang 8:30PM wala pa si Buboy, nainip na itong si Allan at hinahanap daw ang ama. Gusto raw nitong lumabas sa gate. Bitbit pa niya ang t-shirt, shorts at tsinelas ng ama. “Sabi ko rito lang siya at iwan niya ang shorts at tsinelas ng Daddy niya,” sabi ni Butch.

Lumabas si Allan bitbit ang T-shirt ni  Buboy. Inakala ni Butch na maglakad lang ito subalit kumaripas siya ng takbo palayo. Sinubukan siyang habulin maging ng mga naglalaro sa labas subalit mabilis siyang nanakbo papunta sa direksyon ng Legarda sa Plaza Noli.

Sinuyod nila Butch ang mga daan na maaaring puntahan ni Allan subalit wala ito. May nagbalita sa kanila na may nang-aagaw daw ng pagkain sa kanilang barangay. “ ‘Di nila kinuha yun tao, pakiramdam ko anak ko yun,” ani Butch.

Nangangamba sina Butch na baka kung ano ang mangyari sa anak sa lansangan kaya’t kahilingan niya mailathala ang istorya ni Allan para may magbigay ng impormasyon sa kanila kung sino mang nakakita sa anak.

Ang kinakatakot ni Butch baka akalaing normal si Allan, bigla itong mang-agaw ng pagkain at baka saktan siya.

Hindi ako titigil na mahanap ang aking anak, siyam na buwan ko siyang dinala at lagpas sa dalawang dekada ko siya inalagaan. Paano mo basta na lang puputulin ang isang parte ng iyong katawan?” ani Butch,

Itinampok namin siya sa ‘CALVENTO FILES’ sa radio, “HUSTISYA PARA SA LAHAT” DWIZ882KHZ (Lunes-Biyernes 2:30-4:00PM/ Sabado 11:00-12NN).

SA AMIN DITO SA CALVENTO FILES, alam namin ang nararamdaman ni Butch na mapalayo sa anak lalo na sa kundisyon ni Allan, isa siyang  special child. Ganun pa man, ipinaliwanag namin  ang standard procedure na ginagawa ng mga barangay officials at pulisya sakaling may matagpuan sila na tulad ni Allan. Dadalhin nila ito sa pinakamalapit na pagamutan o sa NCMH para ipasuri.

Sa kaso ni Allan hindi siya makapagsalita, ni mabanggit ang kanyang pangalan kaya’t mas mabuting sina Butch ang magpunta sa NCMH para hanapin siya dun at baka sakaling dun ito dinala matapos makitang pagala-gala.

Sinabi ni Butch na galing na sila dun subalit bigo silang makita ang anak. Ganun pa man, nakapanayam namin sa radyo si  Mr. Jimmy Isidro ng Mayor’s Action Team, Mandaluyong at nangakong pasasamahan sila Butch sa police officer na nakatalaga sa kanila maging isang doktor na rin mula kanilang City Administration para suyurin ang bawat selda, isa-isahin ang mga pasyente at tignan kung nandun si Allan. (KINALAP NI MONIQUE CRISTOBAL) SA MGA BIKTIMA NG KRIMEN o may problemang ligal magpunta sa 5th floor CityState Centre bldg.  Shaw Blvd., Pasig. O magtext sa 09213263166, 09213784392, 09198972854.  Landline 6387285 / 7104038.

ALLAN

ANAK

BUBOY

BUTCH

LEFT

SIYA

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with