TINANGGAP ng mga pulis ang medalya kay DILG secretary Mar Roxas at Acting PNP chief Leonardo Espina sa ginanap na gawad parangal sa Camp Crame, matapos ang matagumpay na pagbibigay ng seguridad kay Pope Francis. Bagamat nakulapulan ito ng kontrobersiya matapos pag-interesan ng ilang opisyal ng Philippine National Police, nakangiti ang mga pulis dahil ang medalyang natanggap ay higit pa sa salapi na bayad sa kanilang pagod, hehehe! At ang higit pa sa ikinasasaya ng mga pulis mula sa limang distrito sa Metro Manila at National Capital Region Police Office ay ang pagtutok ni Espina sa imbestigasyon sa allowances. Kaya ang na-tapyas na allowance ay mapapasakamay rin nila sa mga darating na araw.
Subalit pandalian lamang ang kanilang pagsasaya sa naturang parangal matapos na makumpirma na 30 pulis ng Special Action Forces ang pinagpapatay ng magkasanib na Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) at Moro Islamic Liberation Front (MILF) sa Bgy. Pidsandawan, Mamasapano, Maguindanao. Malaking pagsubok na naman itong patraidor na pagmasaker ng BIFF at MILF sa liderato ni Espina na dapat niyang tutukan. At habang abala si Espina sa pag-iisip sa sinapit ng SAF idudugtong ko na rin ang problema sa Bgy. South Triangle, Quezon City na nasasakupan ni Supt. Lemuel Obon. Kulang na kulang ang pulis ni Obon kaya namamayagpag ang mga kriminal sa naturang lugar.
Katulad na lang sa nangyaring panghoholdap ng isang armadong lalaki sa Le Joy Spa sa Tomas Morato Extention at Scout Madrianan kung saan nilimas ang benta ng spa at pati gadgets ng mga customers. Blanko ang mga pulis ni Obon dahil natutulog sila sa pansitan. At ito pa General Espina, marami na palang nabiktima ang mga kilabot na Bukas Kotse gang sa Bgy. South Triangle. Pati pala ang mga empleyado ng ABS-CBN ay puntirya ng mga ito. Ang balitang nakarating sa akin, ang mga gumagawa ng panghoholdap sa naturang lugar ay mga taxi driver din. Ito ang ipinarating sa kin ng isang side walk vendor sa Taguig City. Madalas umano siyang makapulot ng mga gamit sa kahabaan ng C-5 Road, Taguig City katulad ng bag at wallet na ini-hahagis ng hindi naplakahang taxi. Kaya ang mabuti sigurong gawin ni Obon ay ilatag ang kanyang mga kolektor este mga pulis sa lugar nang maka-tsamba. Kasi nga kung noong Pope Francis visit walang alisan ang mga pulis sa puwesto, baka ngayon naman ay magiging abala naman sila sa pagpapatrulya sa lahat ng mga kalye sa South Triangle para mahuli ang mga kawatan. Abangan!