BAKIT ba ipinagpaliban pa ang eleksiyon imbis na buwagin na lang ang Sangguniang Kabataan?
Dalawang rason ang matagal nang inilahad para alisin ang SK:
Una, imbis na turuan nito ang kabataan ng tamang pamamahala, maaga pa ay sinasanay na sila sa katiwalian. Bawat barangay ay may paboritong kontratista. Ito’y kaibigan, kamag-anak, o dati nang racketeer. Niluluto nito ang mga paggastos ng barangay, lalo na ang bidding o canvass ng presyo ng mga kagamitan na bibilhin o serbisyong uupahan. Pati titirhang hotel ng mga kagawad at airline tickets sa junket, si kontratista ang tagabili. Kapalit ng serbisyo niya ay overpricing ng kontrata, na ipinaparte sa chairman at mga kagawad. At dahil ang pera ng SK ay nanggagaling sa barangay (10% ng taunang budget ng huli), ikinakasa ng chairman sa mga kabataan ang kontratista. Kung hindi ito tanggapin ng mga bata, iipitin niya ang pondo ng SK. Kapag tanggapin nila ang kontratista, kasali na sila sa parte ng nakaw na pera ng bayan.
Ikalawa, maaga pa ay tinuturuan na ang mga bata bumuo o patatagin ang political dynasties. Kalimitan, ang chairman o kagawad ng SK ay kamag-anak din ng nasa barangay, at lalo na ng mayor, governor, bise, konsehal, at provincial board member. Training grounds ang SK ng mga tagapagmana ng posisyon ng mga ninuno. Sila-sila na lang.
Nagsasama ang mga sakit na katiwalian at political dynasty sa halalan ng SK chairmen ng munisipyo, lungsod, probinsiya, at pambansa. Bumabaha ang pera sa pamimili ng mga boto. Parang halalang lokal, pang-Kongreso, o Pangulohan.
‘Yan ang rason kung bakit nananatili ang bulok na sistemang pampulitika. Bata pa, hinahasa na sa pagtanggol ng kabulukan.
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM). E-mail:jariusbondoc@gmail.com