Pinugutan na umano ang isa sa dalawang bihag na Hapon ng teroristang grupong ISIS. May video na lumabas, bagama’t hindi pa kumpirmado, hinggil sa ginawang krimen. Pero kinondena na ng mga bansang Amerika, UK at Japan ang isinagawang pagpatay ng ISIS. Humingi ng dalawangdaang milyong dolyar na pantubos ang grupo para sa kalayaan ng dalawang Hapon. Pero ang patakaran ng maraming bansa ay ang hindi pakikipag-negosasyon sa mga terorista. Kung totoong pinugutan na si Haruna Yukawa, ano na ang magiging tadhana ni Kenji Goto?
Ayon sa lumabas na video, palalayain daw si Goto kung palalayain naman si Sajida al-Rishawi, isa ring terorista na ikinulong sa Jordan. Si Rishawi ang nasa likod ng bigong pagbomba ng mga hotel sa Jordan noong 2005. Hindi pumutok ang bomba na nakabalot sa kanyang katawan, kaya siya nahuli. Siya ang gustong palayain ng ISIS ngayon. Pero walang balita daw kay Rishawi ng halos siyam na taon na. Hindi alam kung ipinatupad ang hatol sa kanya na kamatayan o hindi. Kung binitay na nga siya, may pag-asa pa bang maligtas si Goto mula sa kamatayan?
Wala na bang katapusan ang kasamaang dulot ng ISIS sa buong mundo? Gaano ba kalakas ang grupong ito at tila tinatawanan lang ang mga bansang tulad ng Amerika, UK at Japan? May epekto ba ang lahat ng mga operasyon laban sa ISIS, o lumalaki lang ba sila bilang isang teroristang organisasyon? Wala pa raw kumpirmadong miyenbro ng ISIS sa Pilipinas, pero kahit iyan ay hindi matiyak. Inamin na nga ng Palasyo na nakatanggap sila ng impormasyon sa tangkang patayin ang Santo Papa. Kaya hinigpitan nang husto ang kanyang seguridad habang nasa bansa. Ito na rin ang dahilan kung bakit mas mabilis ang pagtakbo ng convoy ni Pope Francis kapag dinadala siya kung saan-saan.
Kung gusto ng mundo mawala na ang ISIS, kailangan magtulungan na ang lahat para labanan ito. Ilan pa ang papatayin ng ISIS bago masabing ubusin na silang lahat? Parang cancer ito na kailangang tanggalin, kundi mapepeligro lang ang pasyente. Dapat palawigin pa ang laban sa ISIS, at hindi mga pasundot-sundot lang. Hindi sila pwedeng pabayaang lumaki at lumakas ang impluwensiya sa mga makikitid ang pag-iisip.