SA kabila na ikinatuwa nang lahat ang matagumpay na pagdalaw ni Pope Francis sa bansa, kung saan pinuri ang mamamayang Pilipino, ang CBCP, ang PNP, ang AFP at lahat nang may kaugnayan sa seguridad ng Santo Papa, may lumalabas naman ngayon na problema. Kasaluku-yang may imbistigasyon ngayon sa nawawala umanong pondo na nakalaan para sa allowance ng mga pulis na nagbantay sa Santo Papa. Ang pondo ay para sa food allowance ng mga pulis. Pero mukhang nagkaroon ng gulo sa paggamit ng pondo.
Ayon sa tagapagsalita ng PNP na si Chief Supt. Wilben Mayor, ang pondo ay para pambili ng pagkain para sa mga pulis na nagbantay, at hindi para ibigay ang pera sa mga pulis mismo. Sino pala ang nakatakdang bumili ng pagkain ng mga pulis? Ayon naman sa budget officer ng Police Security and Protection Group(PSPG), may mga pulis na nakatanggap na ng P2400 para sa limang araw na duty, pero hindi naman daw kinumpleto. Bakit pala ibinigay sa kanila? Bakit hindi muna inalam kung nakumpleto ang duty, bago ibigay ang allowance? May listahan naman kaya ng mga pulis na ito? Mga pulis naman daw na pumalit sa mga hindi pumasok ay P700 lang ang tinanggap. Kaya nagkakagulo na sa PSPG dahil maraming pulis ang humihingi ng kanilang mga kaukulang allowance, na hindi naman pala dapat binibigay na cash. Sinuspindi na ang budget officer na si Evangeline Martos habang nagaganap ang imbestigasyon. Sakit ng ulo ngayon ang hinaharap ng mga imbestigador.
Malungkot at napakaganda na ng mga papuri sa PNP. Pero lumalabas na may mga dapat nag-duty ng limang araw na hindi naman pala kinumpleto. Ang masama pa ay sila pa yata ang nabigyan ng buong allowance na cash pa. Ibalik naman kaya nila? Mukhang mahirap nang hangarin iyan. Sana magkaroon ng magandang resulta ang imbistigasyon. Ibig sabihin, sana nagkaroon lang ng problema o hindi pagkakaintindihan, at walang nagbulsa ng pondo. Wala sanang anomalya. Anuman ang resulta, kailangan may matuto ang PNP dito, para sa susunod na okasyon kung saan maraming pulis ay kakailanganin para siguraduhin ang seguridad. Dapat may naghahanda na ng mga “baon” na pagkain para sa mga pulis, na ibibigay na lang sa kanila sa oras ng kainan. Mahirap talaga kapag pera ang pinag-uusapan. Mahirap kapag cash ang ibinibigay.