SUMISIGLA na raw ang ekonomiya. Bumagsak ng 60 porsyento ang halaga ng krudong langis sa world market. Pero nasaan ang ginhawa? Nasaan ang pag-asenso?
Iyan ang hinagpis ng mga militanteng manggagawa na kumalampag sa Department of Trade and Industry (DTI) at Energy Regulatory Commission (ERC) na bigong tapyasan ang halaga ng mga paninda at elektrisidad. Tingin ko naman ay may ginhawa at pag-asenso. Pero ang nakatitikim lamang ay yaong mga mayayamang negosyante. Nababawasan ang kanilang cost of production pero ang presyo ng kalakal nila ay mataas pa rin. Hayyy!
Malaki na nga naman ng ibinaba ng petrolyo na dapat mag-reflect sa presyo ng ibang pangunahing bilihin na gumagamit ng transportasyon. Logically, dapat ding bumaba nang malaki ang halaga ng kuryente na gumagamit din ng krudo.
Sabi ng Bukluran ng Manggagawang Pilipino (BMP) naging inutil ang DTI para ibaba ang presyo ng mga pangunahing pangangailangan. Ito nga naman, maski papaano ay makatutulong sa mga maliliit na manggagawa na katiting ang kinikita.
Hindi masisisi ang mga ordinaryong mamamayan kung maghinala mang magkakuntsaba ang DTI at ang mga kapitalista na hindi nagpapatupad ng price rollback sa kanilang mga produkto. May mandato rin kasi ang DTI na protektahan ang kapakanan ng mga consumers o mamimili at Gie Relova ng Bukluran ng Manggagawang Pilipino.
Sa hinaing na ito ng mga maliliit na manggagawa ay nakikiisa tayo dahil makatuwiran lang na ang mga tinatamasang pag-asenso sa ekonomiya ng bansa ay dapat pakinabangan ng pinakamaliit na mamamayan. Sa nangyayari, lalung lumalaki ang kita ng mga kapitalista at lumalawak lalo ang agwat ng mga mayaman sa mahirap.
Ang panawagan ng mga militanteng obrero ay magkaroon naman ng habag ang DTI sa mga nagdarahop lalu na yaong mga naging biktima ng mga nakaraang mapaminsalang kalamidad. Pero biktima man o hindi ng kalamidad, ang bawat mamamayan ay dapat lang at makatarungan na makatikim ng ginhawa ng mga positibong pangyayari sa ating daigdig ngayon, tulad ng malaking pagbaba sa presyo ng langis.