‘Dalagita inupakan’

DALAWANG magkasunod na putok ang umingay sa isang tindahan. Ilang minuto… lumabas ang lalaking bitbit ang dalagitang duguan.

Sa isang lugar sa Alaminos, Pangasinan naganap ang nasabing insidente.

“Mister ko ang pinagbibintangan nila pero nasa Caoayan, Ilocos Sur kami nakatira,” pahayag ni Flor.

Subalit aminado rin si Flordeliza “Flor” Quitoriano-31 na dating nagpupunta ng Pangasinan ang ‘live-in partner’ na si Victorino “Vic” Solatorio Jr., -33. Limang taon na raw mula ng huli itong bumisita ito sa kaibigan niya dun.

Mula nang magsama sila nitong Hunyo 2014 nanuluyan sila sa Vigan kung saan nakatira ang magulang ni Flor. Lumipat lang ng Caoayan, Ilocos Sur nang magtrabaho sa konstraksyon si Vic.

Disyembre 5, 2014…nang tumawag si Flor sa pamilya upang ma­ngumusta. “May pinatay ba si Vic?” tanong sa kanya ng kapatid. Nagulat si Flor at agad niyang itinanggi ito.

“Hinihintay pala nila ang tawag namin, may subpoena daw si Vic,” pahayag ni Flor.

Nobyembre 2014 nang magbalik sila sa Vigan. Hinanap nila ang subpoena. Kasong ‘Murder’ ang nakasampa. Sa pagkakaalam ni Flor nagkaroon ng kagalit sa lugar na yun si Vic na maaaring dahilan para ituro siya sa krimeng ito.

Sa salaysay ng testigong si Juanito Daz-71, Oktubre 27, 2014 bandang 7:40 ng umaga sa loob ng E-Daz General Merchandise na pinamamahalaan ng pamangkin na si Elizabeth Daz. May pumasok na lalaki at lumapit ito sa isa niyang kasamahan na si Rofel Castillo.

“Narinig kong umo-order siya ng Briggs Stratton na 16 Hose Power na pang Bangka. Agad umalis si Rofel at tinawag si Elizabeth,” ayon sa salaysay.

Habang inilalabas nila ang makinang kuliglig nagulat siya nang makitang pumasok sa pwesto ng kahera ang lalaki at pinutukan ang labinglimang taong gulang na babae. Dali-dali na itong lumabas, itinutok pa sa kanya ang baril bago tumuloy sa pag-alis patungo sa C&H Hospital na malapit lang doon.

Sa sobrang takot hindi niya na nagawang sumigaw o humingi ng tulong sa pag-aakalang siya ang susunod na babarilin. Nilapitan niya ang biktima at dinala sa pinakamalapit na ospital. Sa pagtatanong ng pulis nagpakita ito ng ilang litrato mula sa kanilang mga may record na at minsan nasangkot sa krimen (‘rogues gallery’). May isang lalaking itinuro ang testigo na bumaril sa biktima.

Sa salaysay naman ng ‘investigating officer’ na si PO3 Gerald Mamanta, ang operator ng CCTV ng nasabing ospital ay ibinahagi ang video footage nung 7:50 ng umaga ng Oktubre 27, 2014 sa kanila. May isang lalaki ang tumugma sa deskripsiyon. Kasama rin ang mga ito ng panoorin ang CCTV. Ang nasabing lalaki ay nagmamadaling sumakay ng tricycle.

Ang kopya ng CCTV ay dinala sa Camp Crame para sa Picture/CCTV Enhancement ng Anti-Cybercrime Group. Nakakuha sila mula sa Land Transportation Office (LTO) ng larawan ng isang Victorino Austria Solatorio Jr.-33 na taga Caoayan, Ilocos Sur at lumabas na malaki ang hawig sa hinahanap.

Sa positibong pagturo ng mga testigo nagsampa ng kasong “Murder” ang ama ng biktima na si Jessie Espanueva.

Sa kontra-salaysay ni Vic. Itinatanggi niya ang nasabing pagpatay. Nasa Nansuagao, Caoayan, Ilocos Sur daw siya nun. Nagtatrabaho siya sa isang konstraksiyon dun. May mga testigo raw siyang makakapagpatunay nito.

Inaamin niya na nagkaroon siya ng kaaway sa Pangasinan na maaa­ring nagkaroon ng motibo na siya’y isangkot sa ganitong uri ng krimen. Kinukwestiyon niya rin ang pamamaraan na ginawa ng imbestigador sa pag-iimbestiga at pati na rin ang awtensidad ng kuha sa CCTV at ginawang pagpapalinaw (enhancement) kaya siya ang nasabit.

Matapos timbangin ng taga-usig ang magkabilang panig, naglabas ng resolusyon si 2nd Asst. Provincial Prosecutor Teofilo A. Chiong nung ika-8 ng Disyembre 2014. Nakasaad dito na pinapaboran niya ang ebidensiya ng nagrereklamo na ang labinglimang taong gulang na dalagita ay binaril ng kalib­re 45 ng dalawang beses sa dibdib na kinabilangan ng pagtataksil at ng labis na lakas. Ang biktima ay nakaupo lang at walang armas ng nasabing oras.

Ang dalawang testigo ay positibong kinilala ang larawan at hindi ikinaila ng inirereklamo na ang nasabing litrato na nakalakip ay hindi siya.  Mapagkakatiwalaan ang dalawang testigo sapagkat nakita nila ang pamamaril at walang ebidensiyang nagtuturo na sila’y may masamang balak sa suspek para ito ang ituro. Nakakita ng ‘probable cause’ laban kay Vic at siya ay isinasakdal sa kasong Murder at dapat malitis sa korte.

“May tala siya sa pinagtatrabahuan sa Ilocos. Hindi lang nakuha dahil may nagbigay na ng salaysay ang dalawang katrabaho niya,” wika ni Flor.

Giit ni Flor hindi raw ipinakita sa kanila ang CCTV at litrato lang ng mga testigo na itinuturo ang larawan ni Vic na nakuha sa LTO.

“Gusto kong humingi ng tulong hindi lang para sa amin kundi para na rin sa pamilya ng biktima. Makuha sana nila ang hustisya kung sino ang tunay na pumatay sa anak nila,” pahayag ni Flor.

Itinampok namin si Flor sa “CALVENTO FILES” sa radyo “Hustisya Para Sa Lahat” ng DWIZ882 khz (Lunes-Biyernes 2:30-4:00pm at Sabado 11:00am-12nn).

SA AMIN DITO SA CALVENTO FILES, Ang alibi na wala run ang suspek ay ang pinakamahinang depensa. Sobrang gasgas na naming pinaliliwanag na ito’y tatayo lamang at papanigan ng taga-usig kapag matibay na mapapatunayan na hindi maaaring andun siya dahil imposible ang kanyang katawan na nasa dalawang lugar sa iisang araw at parehong oras.

Sa harap ng mga positibong pagkilala ng mga testigo (testimonial evidence) at mga kuha ng litrato at CCTV (real evidence) madudurog ito at makikitaan ng ‘probable cause’ dahil yun lang naman ang hinahanap sa isang ‘Preliminary Investigation’.

Ang lahat ng sinasabi ni Vic na depensa ay dapat mailatag sa isang malinaw at maayos na pahayag sa isang malawakang paglilitis kung saan ang hanap ay ang akusado ay may sala ng walang kaduda-duda (Guilty beyond reasonable doubt).

Kung ayaw kayong bigyan ng kopya ng kanilang mga ebidensya, pagda­ting ng paglilitis ang buong ‘case folder’ kung saan nilalaman ang lahat ng kaso ng prosecution ay ipakikita sa korte para sa ‘marking of evidence’ at pati na rin ang mga testigong tatayo laban sa ‘yo.

Matapos lumabas ang resolusyon may naitalaga nang Huwes sa kasong ito na siya namang rerepasuhin sa pamamagitan ng ‘determination of probable cause’ at kapag walang nakitang mali sa pagtimbang ng taga-usig (reversible errors) bababaan ng warrant of arrest ito. Kung ganito nga ang nangyari alam ng kanilang abogado kung anong legal na remediyo (omnibus motion), motion to quash warrant, re-investigation at defer arraignment. Kapag binasura ng Hukom ang lahat ng ito wala na tayong magagawa kundi itutuloy ang kaso.

Mahabang usapan ito at dahil may abogado naman itong si Vic mas ma­buting ito na ang magpaliwanag sa kanya para maintindihan niya ang nangyayari. (KINALAP NI CHEN SARIGUMBA) SA MGA BIKTIMA NG KRIMEN o may problemang ligal magpunta lamang sa 5th floor CityState Centre bldg.  Shaw Blvd., Pasig City. Maari kayong magtext sa 09213263166, 09213784392, 09198972854 o tumawag sa 6387285 at 7104038. Maaari din po ninyong i-like ang www.facebook.com/tonycalvento at mag-iwan ng mensahe para sa inyong mga problema.

 

Hotlines: 09213263166, 09198972854

Tel. Nos.: 6387285, 7104038

www.facebook.com/tonycalvento

Show comments