ANG rabbit ay madaling dumami. Anak nang anak ang mga babaing rabbit. Bibilang lang ng 28 hanggang 32 araw ay buntis na agad ang rabbit. Mai-imagine kung gaano sila karami sa loob ng isang taon. Pagkatapos manganak ang babaing rabbit, fertile na uli siya at maaari na namang mabuntis.
Ang mga rabbit ang ginawang halimbawa ni Pope Francis nang sabihin nito sa mga reporter na “hindi dapat tumulad sa mga rabbit” ang mga Katoliko. Dapat daw maging responsableng mga magulang ang lahat. Sinabi ito ng Papa ilang oras makaraang makaalis ng bansa noong Lunes. Apat na araw namalagi ang Papa sa bansa. Mainit siyang sinalubong nang maraming Pilipino.
Totoo naman na parang rabbit ang nakararaming Pilipino. Paramihan nang anak. Mas maraming anak ang mga nasa squatters area. Karamihan kasi ng mga nasa squatters ay walang trabaho kaya laging magkasama sa bahay ang lalaki at babae. Dahil walang magawa, ang paggawa ng bata ang inaatupag. Pansinin na kung saang lugar mahirap ang buhay ay doon maraming bata.
Ang kawalan ng trabaho sa bansang ito ang dahilan kaya hindi mapigilan ang pagdami ng tao. Sa kasalukuyan, mahigit 100 milyon na ang mga Pilipino at patuloy pang dumadami. Kapag hindi nabigyan ng solusyon ang pagdami ng mga Pilipino, lalo pang makakaranas ng kahirapan at pagkagutom. At dahil may nagugutom, tiyak din ang pagdami ng krimen. Kabit-kabit na ang problemang idinulot nang kawalan ng trabaho.
Hindi lamang marahil maderetsa ng Papa na talagang katulad ng mga rabbit ang ilang Pilipino na hindi makontrol ang pagpaparami ng anak. Marahil nagulat ang Papa nang makita ang maraming tao na may mga karga o hawak na bata. Hindi rin mabilang ang mga sanggol at bata na kanyang nahalikan at nayakap sa loob ng limamg araw na pananatili sa bansa.
Dapat tumatak sa isipan nang marami ang mga sinabi ng Papa na huwag maging rabbit at maging responsableng mga magulang. Nararapat din namang kumilos ang pamahalaan para mapigil ang pagdami sa pamamagitan ng pagpaplano. Lumikha naman ng trabaho ang gobyerno para wala nang tambay sa bansang ito.