Luneta

HIGIT anim na milyong tao ang dumalo sa huling misa ni Pope Francis sa Luneta noong Linggo, ayon sa MMDA. Ito na siguro ang pinakamalaking kaganapan na may kinalaman sa Santo Papa sa buong kasaysayan, ayon naman kay Fr. Federico Lombardi, tagapagsalita ng Vatican. Naghanda nga ng 2.5 milyong komunyon para sa misa. At kahit umuulan, dumating pa rin ang mga gustong makilahok sa misa ng Santo Papa.

Napakalamig nga ng panahon. May nakita akong mga nanginginig na bata. Noong komunyon, may mga nanginginig na kamay habang naghihintay mabigyan ng banal na ostiya. Kahit ipinagbawal ang magkampo sa Luneta at mga karatig na lugar para sa misa, hindi na ito napigilan ng mga otoridad. Alam na 700,000 lamang ang makakapasok sa lugar na itinakda sa Quirino Grandstand, kaya minabuting doon na lamang matulog.

Mga bandang alas-singko ng umaga, nagkaroon ng konting gulo sa may pasukan sa Maria Orosa, dahil biglang nagkaroon ng tulakan. May mga nasaktan sa gulo, pero agad naman na-kontrol. Nagdagdag ng mga pasukan para hindi na maulit ang insidente. Tuloy-tuloy ang pasok ng mga tao, at tuloy-tuloy rin ang ulan. Pero dumating ang Santo Papa, at nagsimula na ang misa.

Sa kanyang huling sermon, binigyan niya ng kahalagahan ang mga bata. Natuwa nga ang Santo Papa at nataon ang misa sa pista ng Sto. Niño. Kaya tamang-tama ang kanyang mensahe na dapat alagaan ang kabataan. Tingin ko may epekto sa kanya ang mga sinabi at tinanong ng batang babae sa UST. Hindi dapat nawawalan ng pag-asa ang kabataan at mamuhay na lamang sa lansangan. Alam na alam natin ang adbokasiya ng Santo Papa sa mga mahihirap. Sa kanyang limang araw dito sa bansa, ito lagi ang kanyang pinaaalala.

Nagtapos ang misa, at tila naging piyesta, na hindi ikinatuwa nang marami. May mga nagsabi na nawala ang pagkataimtim ng kapaligiran dahil nagsimula maging isang palabas sa mga sigaw at “cheer”. Siguro natuwa lang ang pari na nagpasimuno ng pagsisigaw at natapos ang misa at matagumpay lahat. Sana lang, ngayong nakaalis na ang Santo Papa at nasa Roma na nga, maging bahagi ng mga buhay natin ang lahat ng kanyang sinabi habang nasa bansa. Huwag sanang mawala ang epekto ng kanyang pagpunta dito. Isaisip, at isabuhay ang kanyang mga salita. Manatili ang mensahe ng kanyang mga payo sa ating mga isipan at damdamin, tulad na rin ng kanyang napakagandang ngiti.

Show comments