GUSTO ni Pope Francis na mapuksa ang kahirapan sa daigdig. Kaya nga nanawagan siya kay Presidente Aquino na pagtuunan pa ng pansin ang pagsugpo ng katiwalian sa gobyerno upang ang pondo para sa kapakanan ng mga mararalita ay huwag malustay.
Pero hindi lang naman katiwalian ang ugat ng kahirapan. Maraming Pilipino ang walang sawa sa paggawa ng bata kahit hindi na kaya ng lukbutan ang pagtustos sa kanilang mga anak.
Sinabi ni Lolo Kiko na ang mabuting Katoliko ay hindi dapat magpadami tulad ng mga kuneho o rabbit. Kaso, ang Roman Catholic Church mismo ang tutol sa family planning kaya wala na sigurong paraan para mapigil ang pagdami ng populasyon ng bansa.
Ito ang sinabi ng Santo Papa sa mga journalists na kasama nito sa eroplano pauwi ng Roma matapos ang kanyang 5-araw na papal visit sa Pilipinas.
Nanawagan din si Pope Francis sa mga Katoliko sa buong mundo na dapat ay maging responsableng magulang sa kanilang mga anak. Anang Papa, hindi porke’t tutol ang simbahan sa mga artipisyal na paraan sa pagpigil ng pagbubuntis ay pinapayagan ang mga Katoliko na mag-anak nang mag-anak.
Ibig sabihin nito, magpigil sa panggigigil.
Ang puna ko lang, kahit labag sa batas ng Katoliko ang birth control, maraming Katoliko Romano ang gumagamit ng ganitong paraan sa pagpigil ng pagbubuntis: Condom, pills, tubal ligation at kung anu-ano pa.
Masuwerte talaga yung mga pasaherong kasama ng Papa sa eroplano.Well, sayang hindi ako kasama sa eroplano. Masayang makita ang human side ng isang mataas na religious leader na nakikipaghunta, nagpapatawa at nakikipagbiruan sa mga tao.
Kaya naman bagay na bagay ang taguri kay Pope Francis na Papa ng Masa. Uyy… PM ah. Parang sister newspaper natin.