SA wakas, makakahulagpos na ang Maynila sa naging pagkakabaon nito sa napakalaking mga pagkakautang sa nakaraang mga taon. Ayon kay Mayor Joseph “Erap” Estrada, ngayong 2015 ay magiging “debt-free” na ang lungsod.
Grabe aniya ang mga utang na dinatnan ng kaniyang administrasyon. Minana niya mula sa nagdaang administrasyon ang mahigit P3.5 bilyong budget deficit, gayundin ang utang na P613 milyon sa kuryente, P57 milyon sa tubig, P684 milyon sa buwis na hindi na-remit sa Bureau of Internal Revenue (BIR), at mga hindi naibibigay na allowance at benepisyo ng mga pulis at empleyado ng City Hall.
Masyado aniyang nakalulunos ang naturang sitwasyon na halos maikukumpara sa isang bangungot. Sabi nga niya, “Hindi ako makatulog… kahit ilang sleeping pills pa inumin ko.” Kahit sa pagpikit umano ng kanyang mga mata sa gabi ay hindi maalis sa isip niya ang problema ng lungsod sa pondo.
Aniya, “Marami ang umaasa nang malaki sa akin su-balit hindi ko maumpisahan ang ano mang proyekto. Lahat ng proyekto ay nangangailangan ng pondo. Paano mo masisimulan ang isang proyekto kung wala kang pondo?”
Pero sa ilalim ng kanyang administrasyon ay unti-unti nang naaasikaso at nababayaran ang nasabing mga pagkakautang.
Malaking tulong aniya sa naging pagganda ng kon-disyong pinansiyal ng Maynila ang ipinatupad niyang agresibo at episyenteng pagkolekta ng buwis, masinop na pangangasiwa ng kaban ng bayan, at iba’t iba pang pangpinansyal na reporma.
“The last collection during the time of my predecessor was less than P6-B a year. Now, we might double that. We see to it that every single cent goes to the city’s coffers,” dagdag niya.
Matatag ang pahayag ni Erap na mababayaran sa ilalim ng kanyang administrasyon ang lahat ng mga utang ng siyudad at magiging debt-free na ito ngayong 2015, at magtutuloy-tuloy na ang pag-unlad ng Maynila.
Aniya, “The best days of Manila are yet to come.”